HINDI ko maaaring palampasin ang isang pagkakataon na halos lahat ng ating mga kababayan ay dumadakila sa mga health care frontliners na mistulang nagbubuwis ng buhay sa pangangalaga sa ating mga pasyente. Mismong si Pangulong Duterte ang paulit-ulit na bumigkas ng saloobing nagmumula sa kanyang puso: Saludo ako sa inyong lahat. Maliwanag na ang kanyang tinutukoy ay walang iba kundi ang mga doktor, narses, at iba pang health workers na magkakatuwang sa isang dakilang misyon: Kaligtasan ng mga may karamdaman, lalo ang mga dinapuan ng nakamamatay na COVID-19 na ngayon ay nakaratay sa iba’t ibang ospital sa kapuluan.
Talagang walang hindi magpupugay sa naturang mga healthcare workers, lalo na nga sa mga doktor na sinuong ang panganib ng COVID-19 na ngayon ay laganap sa buong daigdig; sakit na kumitil na ng maraming buhay. Nakapanlulumong isipin na tila siyam na ang ating mga kababayang manggagamot ang mistulang nagbuwis ng buhay alang-alang sa kaligtasan ng kanilang mga pasyente. Isa itong pangyayari na mahirap paniwalaan, lalo na kung iisipin na ang mga doktor ay sinasabing malayo sa mga karamdaman.
Patunay lamang ito na walang pinaliligtas ang mga sakit; dumadapo ito sa sinuman -- sa mga may kapangyarihan, masasalapi at iba pa. Hindi ba iniulat kamakailan na maging si Prince Charles ng Great Britain, ginang ng Prime Minister ng Canada at maging ang ilan sa ating mga Senador.
Totoo na hindi natin maaaring maliitin ang mga pagsasakripisyo ng ating mga health workers. Naniniwala ako na ito ang malaking dahilan ng pagsasabatas ng Kongreso ng Bayanihan To Heal Us All Act na kaagad namang nilagdaan ng Pangulo. Sinasabing nagkakaloob ito ng limpak-lmpal na biyaya para sa ating mga health care frontliners na talaga namang laging nalalagay sa panganib ang kalusugan dahil lamang sa pangangalaga sa mga pasyente; pangangalagang katumbas ng kabayanihan.
Sa bahaging ito, maaaring itanong ng ilang sektor: Sila lamang ba ang maituturing na mga bayani sa panahong ito na ang halos lahat ng mamamayan ay nahaharap sa matitinding pagsubok kaugnay ng nakapangingilabot na COVID-19?
Hindi ba ang ating mga pulis at sundalo at maging ang mga barangay leaders ay nagpapakasakit din upang matiyak na hindi makalulusot sa mga checkpoint ang matitigas ang ulo at pasaway na balakid sa pagsugpo ng naturang sakit? Hindi ba ang sambayanan na nananatiling nasa bahay na buong-pusong tumatalima sa utos na ‘stay home’ ay maituturing ding mga bayani? Hindi kabilang dito ang matitigas ang ulo, tulad ng ilang pulitiko, na wala nang inatupag kundi magpagala-gala sa iba’t ibang lugar -- isang gawain na nagpapabigat laban sa COVID-19. Sabi nga ni PNP Deputy Director General Guillermo Eleazar: Stay home, hero ka; Pasaway, huli ka.
May mga biyaya rin kayang naghihintay sa kabayanihan ng nabanggit nating mga kababayan?
-Celo Lagmay