BAGAMAT sa telebisyon ko lamang natunghayan, damang-dama ko ang tindi ng pagdadalamhati at nakatutulig na palahaw ng isang ginang: Nakasuot na damit lamang ang aming nailigtas. Tinig ito ng isang ina ng tahanan na nasunugan kamakailan sa Las Piñas, sa aking pagkakatanda, samantalang sila ay sinasabing nakikiisa sa enhanced community quarantine (ECQ). Kaakibat ng naturang palahaw -- pahiyaw na panganib na may himig pagmamakaawa -- ang paghingi ng saklolo sa administrasyon sa sinapit nilang trahedya.
Bahagya tayong kumambyo, wika nga, sa nakapanlulumong COVID-19 pandemic na kumitil na ng maraming buhay sa iba’t ibang bansa sa daigdig. Nais kong bigyang-diin na ang trahedya na sinapit ng nabanggit na ginang -- at ng kanyang mga kabarangay -- ay isang hudyat upang tayo ay mag-ingat sa sunog. Lalo na ngayon na nasa kainitan pa rin ang ating paggunita sa Fire Prevention Month. Talagang nakalulungkot na sa kabila ng gayong mga tagubilin, halos kabi-kabila pa rin ang nagaganap na sunog.
Hindi biro ang masunugan; walang pinaliligtas ang apoy, nasusunog kahit na ultimong basahan. Sabi nga: Manakawan ka na ng maraming beses, huwag ka lamang masunugan. Nagkataon na ang nakapanghihilakbot na karanasang ito ay sumapit sa aming buhay, maraming taon na ang nakalilipas. Tanging ararong bakal lamang na gamit ng aming ama sa pagsasaka ang natira.
Samantalang pinaiiral ang lockdown o ECQ sa buong Luzon, paminsan-minsan tayong magsagawa ng pagsusuri o inspeksiyon sa electrical installation sa mga tahanan. Hindi maiaalis na dahil sa sala-salabat na kuryente -- kabilang na ang mga extension wires o yaong tinatawag na octopus connection -- ay maging dahilan ng overload at pag-iinit ng mga outlets na hindi natin mamamalayang lumikha ng sunog. Marami na ang pagkakataon na naganap ang ganitong mga insidente tulad ng laging iniuulat ng iba’t ibang tanggapan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Alam kong ang gayong mga panganib ay hindi ipinagwawalang-bahala ng ating mga kababayan. Lalo na ngayong ang halos lahat ay mananatili sa kani-kanilang mga bahay dahil nga sa ECQ; ang lahat ng miyembro ng pamilya ay gumagamit ng mga bentilador, nanonood sa telebisyon at abala sa iba’t ibang gadget na pinagagana ng elektrisidad. Hindi malayo na ang ganitong aktibidad ay maging dahilan ng labis na pagkunsumo ng kuryente.
Anupat ang trahedya na sinapit ng naturang ginang ay sapat nang maging hudyat upang tayong lahat ay mag-ingat sa sunog; isang panganib na inihahambing sa pagdating ng isang magnanakaw kung hatinggabi.
-Celo Lagmay