MARAHIL inaakala ng karamihan na isang buwan lang ang bubunuin sa tila pambansang “quarantine”. Nagsarado ang ilang mga establisyamento, restoran, negosyo, patimpalak, pagtatanghal, at mga pampublikong sasakyan hanggang sa Abril 14, ayon sa itinakda ng pamahalaan. Ang malungkot na reyalidad, at kailangan magising na tayo sa katotohanan, maaaring umabot ang “lockdown” sa Luzon hanggang Agosto. Sa tiyanta ko, (sana magkamali hula), puwedeng hanggang Disyembre pa umabot ang krisis ng COVID-19. Ayon ni Dr. Anthony Fauci, Director ng National Institute of Allergy and Infectious Disease sa America, “Titindi ito bago pa bubuti.” Sa Germany, ayon ni Chancellor Angela Merkel, “Sitenta porsiyento ng kanilang populasyon ang tatamaan (58.3 milyong katao). Sa New York, USA, nagbitaw ni Governor Andrew Cuomo, na tinatayang, “Kwarenta hanggang otsenta porsiyento sa kanila ang magkakasakit (15.6 milyon). Dito sa Pilipinas, ayon sa DOH, 75,000 ang mahahawaan.”
Tatlong porsiyento ang tinatayang masasawi, o 2, 250. Sa Bisayas, hindi ipinatutupad ang dapat sanang lockdown. Kahit medyo huli na, huwag na hintayin lumala bago pa ikasa ang lockdown. Magpahanggang sa kasalukuyan, tulad sa Cebu, may mga turista nakakapasok pa rin! Basta raw dumaan sa 14 araw na quarantine sa hotel na kanilang gusto.
Sa paliparan pa lang, may kapalpakang nagaganap na. Halimbawa ang mga “porters” at “guards” walang mga face-masks. Nitong nagdaang ilang araw, dumating ang halos 500 turista, at sa dami nila, basta pinapasok na lang ng walang quarantine, at walang paniniktik na ipinatupad. Ayon sa kaibigan ko sa DOH (na ikukubli ang pangalan) “Dapat huwag ma-quarantine sa hotel ang mga turista sabay sa ibang malulusog na kostumer.” Tinanong ko, “Makakatulong ba ang lockdown halimbawa ipapatupad sa Cebu?” Sagot ng taga-DOH, ganyan ang ginawa sa China. Naging matagumpay ang pagbaka ng China sa Covid-19 dahil hindi solong sa Wuhan ibinaba ang lockdown.
Ang totoo, buong bansa naka lockdown. Hindi maaring bumiyahe sa ibang bayan o lalawigan ng walang pahintulot, para ‘di kumalat. Tanong, bakit Luzon lang ang naka lockdown? Bakit hindi buong bansa? Para iwas sumabog ito?
-Erik Espina