NANG tuldukan ni Pangulong Duterte ang Visiting Forces Agreement (VFA), gusto kong maniwala na ang naturang desisyon ay isang malaking kawalan sa gobyerno, lalo na nga sa ating Armed Forces of the Philippines (AFP). Hindi maaaring maliitin ang makabuluhang mga karanasan at kaalaman na natatamo ng libu-libong kawal ng ating bansa na laging kaagapay ng mga sundalong Kano na lalahok sa taunang Balikatan exercises kaugnay ng VFA. Bukod sa PH at US troops, paminsan-minsan ding lumalahok ang mga sundalo ng iba’t ibang bansa na tulad ng Australia.
Bukod sa epektibong paggamit ng mga armas at mga kagamitang pandigma, ang ating mga kawal ay nagkakaroon din ng mga kaalaman sa larangan ng paglipol ng terorismo at iba pang karanasang gumigiyagis sa ating mga komunidad. Napatunayan natin ang ganitong mga estratehiya, halimbawa, nang mawakasan ang paghahasik ng sindak ng tinaguriang Marwan -- ang kinatatakutang terorista sa Mindanao.
Sa himig ng pananalita ng Pangulo, mistula na ngang ibinasura ang VFA. Paulit-ulit ang kanyang walang kagatul-gatol na pahayag hinggil sa terminasyon ng naturang kasunduan ng PH at US. At tila walang sinumang makapagpapabago ng kanyang paninindigan -- kahit na yata si Presidente Donald Trump ng United States. Maaaring pakinggan niya ang pananaw ni Trump hinggil sa VFA abrogation. Dahil dito, bigla kong naalala ang minsang pahiwatig ng US President: Makatitipid ang America sa terminasyon ng VFA.
Sa kabila ng hindi na yata mapipigilang pagtuldok sa VFA, umaabot pa rin sa halos 11,000 Filipino at American soldiers ang magsasanib sa Mayo ng taong ito sa isang pagsasanay sa maaaring katapusan na ng Balikatan exercises kaugnay ng implementasyon ng VFA. Ito ay maaari pang ipagpatuloy yamang ito ay nasasakop pa ng 180-day negotiation period ng naturang kasunduan na matatapos sa Agosto 11.
Kung sabagay, ang mga sundalong Kano ay makapagsasagawa pa rin ng military exercises sa ating bansa; kailangan lamang nilang kumuha ng visa upon arrival upang sila ay makapasok sa Pilipinas -- taliwas sa mga pribilehiyo na tinatamasa nila sa ilalim ng VFA.
Anuman ang maging pangwakas na pasiya ng ating gobyerno at ng pamahalaan ng US, gusto kong umasa na maaaring magkaroon pa rin ng mga pagbabago tungo sa higit na maigting na relasyon ng dalawang lahi. Hindi maitatanggi na hanggang ngayon, ang PH at US ang pinaniniwalaan kong magkapatid at magkabalikat sa balikatan exercises.
-Celo Lagmay