Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
3 p.m. – FEU vs NSNU (Boys Finals)
MATAPOS walisin ang 14 na laro sa nakaraang éliminations, nakatuon ngayon ang pansin ng reigning titlist Nazareth School of National University sa finals ng UAAP Season 82 Juniors Basketball Tournament na magsisimula ngayong hapon sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Ganap na ika-3:00 ang nakatakdang muling tapatan ng Bullpups at ng Baby Tamaraws para sa Game 1 ng finals.
Tatangkaing duplikahin ng tropa ni coach Goldwyn Monteverde ang ginawang season sweep ng kanilang mga conterparts na Ateneo de Manila Blue Eagles at NU Lady Bulldogs sa men’s at women’s division na season sweep ayon sa pagkakasunod.
Sisikapin nilang maituloy ang naunang dalawang larong dominasyon sa Baby Tamaraws noong nakaraang éliminations.
Gayunman ayon kay Monteverde, wala silang babaguhin dahil parehas pa ring paghahanda na tila sasabak sa isang do-or-die game ang gagawin nilang preparasyon.
“We have to finishes what we started. Same pa rin, we will prepare for our next game the same way,” ani Monteverde patungkol sa nakatakdang pagsabak nila sa finals sa ika-9 na sunod na pagkakataon.
Sa kabilang dako,pagsisikapan naman ng tropa ni coach Allan Albano na hindi masayang ang muli nilang pagbalik ng finals makalipas ang tatlong taon.
“Siyempre, andito na e, ibigay na natin lahat para naman wala tayong panghinayangan sa chance na nakuha natin,” ani Albano sa ibinigay nyang mensahe sa kanyang mga players.
Sasandigan ng Bullpups para sa target na back-to-back titles sina Terrence Fortea, Gerry Abadiano, Carl Tamayo, Kevin Quiambao at Reyland Torres.
Sa kabilang dako, inaasahan namang mamumuno sa FEU sina Penny Estacio, Jorrick Bautista at Cholo Anonuevo, Patrick Sleat at Mark Padrones.
-Marivic Awitan