BAGAMAT pinakikinabangan na ng ating mga magsasaka ang P10 bilyong buwis mula sa implementasyon ng Rice Tariffication Law (RTL), naroroon pa rin ang agam-agam ng mga magbubukid hinggil sa epekto ng naturang batas sa kanilang pagsasaka, lalo na ngayon na napipinto na ang susunod na anihan o crop season. Naroroon ang kanilang pangamba na ang kanilang produksyon ay mistulang maipagpapalit sa angkat na bigas.
Sa aking pagkakaalam, ang bilyun-bilyong pisong buwis na nalikom sa RTL ay naipamahagi na sa mga magsasaka sa pamamagitan ng kanilang mga kooperatiba. Ilalaan ito sa mga makinarya na kailangan hindi lamang sa pagbubungkal ng mga bukirin kundi sa iba pang pangangailangang pang-agrikultura na tulad ng abono, binhi at iba pa.
Gayunman, mismong mga magsasaka ang nagpahiwatig na ang patuloy na pag-aangkat ng bigas mula sa mga kalapit na bansa ay marapat nang matuldukan. Nagkataon na ang gayong mga hinaing ay tinugunan ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), kaakibat ng pakiusap ni Secretary William Dar; nanawagan siya sa mga rice importers na huwag munang maghahain ng rice application permits, lalo na ngayong malapit na tayong umani. Ibig sabihin, mayroon tayong sapat na produksyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga rice retailers at ng mismong mga kababayan natin sa buong kapuluan.
Sa bahaging ito, biglang sumagi sa aking utak ang halos manggalaiting utos ni Pangulong Duterte sa National Food Authority: Bilhin ang lahat ng aning palay ng mga magsasaka kahit na malugi ang pamahalaan. Nais lamang niyang bigyang-diin marahil ang kanyang pagpapahalaga sa ating mga magbubukid na malimit taguriang ‘backbone of the nation’ o gulugod ng bansa. Ang ating mga magsasaka ang walang alinlangang gumaganap ng makabuluhang papel sa pagkakaroon natin ng sapat na produksyon para sa ating mga pangangailangan.
Totoo, minsan nang pinatunayan ng ating mga magbubukid na tayo ay minsan na ring naging rice exporting country mula sa pagiging rice importing country.
Ang naturang utos ng Pangulo ang walang patumangga ngayong ipinapatupad ng DA at ng iba pang ahensiya ng gobyerno. Maging ang mga local government units (LGUs) ang nagsisikap na bilhin ang lahat ng ani ng mga magsasaka. Sa pamamagitan ng milyun-milyong pisong pondo mula sa DA, ang mga LGUs -- kabilang na ang aming lalawigan na pinamumunuan ni Gob. Aurelio Umali -- ay naglaan ng sapat na gugulin para sa pamimili ng ani ng mga magbubukid.
Makatutulong nang malaki sa rice farmers ang hinay-hinay na implementasyon ng RTL.
-Celo Lagmay