April 13, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Baligtad na ngayon! Nanay na papasok sa school, binigyan ng baon ng anak

Baligtad na ngayon! Nanay na papasok sa school, binigyan ng baon ng anak
Photo courtesy: Frytch Rivera (FB)

Humaplos sa puso ng mga netizen ang video ng isang anak na nagbigay ng perang pambaon para sa kaniyang nanay na papasok na sa paaralan, hatid ng isang rider.

Umani ng paghanga at inspirasyon sa social media ang kuwento ng isang inang sa edad na 53 ay muling nagbalik sa pag-aaral upang tuparin ang matagal na niyang pangarap na maging guro.

Ang nabanggit na nanay ay nagngangalang "Mary Jane Rivera" na nasa ikatlong taon na sa pag-aaral ng degree program na Education.

Batay sa social media posts ng kaniyang anak na si "Frytch Rivera," mapapanood ang pagbibigay niya ng baon sa kaniyang inang papasok sa sa paaralan, na aniya, ay nabaligtad na raw ang sitwasyon.

Umabot na sa mahigit 2.2 milyong views, ibinahagi ng anak ang kanilang karanasan. Ayon sa kaniya, dati ay ang kanilang ina ang nagbibigay sa kanila ng baon bago sila pumasok sa paaralan. Ngayon, sila na ang gumagawa nito para sa kanilang ina.

Human-Interest

ALAMIN: Mga kadalasang dahilan ng aksidente sa daan at tips para sa kaligtasan sa pagbiyahe

“Noon: ‘Ma, baon namin, papasok na po kami.’ Ngayon: ‘Ma, baon mo pangdagdag. Ingat ka sa school,’” aniya sa kaniyang post.

Ibinahagi rin ng anak ang paghanga sa sakripisyo at determinasyon ng kanilang ina na sa kabila ng pagiging abala sa iba’t ibang gawain ay nagagawa pa ring mag-aral.

“Kabog ka talaga mother. Kahit busy ka sa pagtitinda sa umaga at nagma-massage sa gabi, active every Sunday sa gawaing simbahan, nagagawa mo pang pag-aralin ang sarili mo. Ngayon mag-third year ka na, konti na lang makaka-graduate ka na rin sa matagal mo nang pangarap na kursong Teacher."

"Lavan ma, gawin mo lang kung ano ang gusto mo sa buhay mo,” saad ng anak.

Sa isa pang bahagi ng kanilang usapan, makikita ang simpleng palitan ng mensahe ng mag-ina na ikinatuwa rin ng maraming netizen.

Ayon sa anak, sinabihan niya ang kaniyang ina na magpadala ng larawan kapag nakarating na ito sa paaralan. Sumagot naman ang ina na nasa paaralan na siya at mamaya pa ang kanilang PE class.

Sinabi rin ng anak na mag-message na lamang ang kaniyang ina kapag pauwi na ito, at sumagot naman ang ina na magbo-book na lamang ng isang motorcycle-hailing service pauwi upang makaiwas sa matinding trapiko.

Ayon sa anak, nakakatawang isiping dati, ang kanilang ina ang nag-aalala at nagtatanong kung anong oras sila uuwi, ngunit ngayon, sila naman ang nagbabantay at nag-aalala para dito.

Aniya, matapos silang pag-aralin ng kanilang ina, panahon naman ngayon ng mga anak na suportahan ang kanilang magulang upang makamit ang pangarap nitong makapagtapos ng pag-aaral.

Samantala, nagpaabot din ng mensahe ang ina sa mga taong na-inspire sa kanyang kuwento.

Ayon sa kaniya, kasalukuyan siyang nag-aaral sa Rizal Technological University habang pinagsasabay ang iba’t ibang gawain upang matustusan ang kaniyang pag-aaral.

Sa umaga, isa siyang estudyante, sa hapon ay nagtitinda, at sa gabi naman ay nagmamasahe. Bukod dito, aktibo rin siyang naglilingkod sa simbahan tuwing Linggo bilang lector at commentator.

Nagpasalamat din ang ina sa lahat ng mga taong nagpahayag ng paghanga at suporta sa kaniyang kwento. Ayon sa kaniya, umaasa siyang magsilbing inspirasyon ang kaniyang karanasan sa iba pang mga magulang at sa sinumang nangangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

Binigyang-diin niya na ang edad ay hindi hadlang upang maabot ang pangarap, lalo na kung may tiyaga at determinasyon. Para sa kaniya, walang imposible sa taong nagsisikap para sa pangarap.