PALIBHASA’Y may matayog na pagpapahalaga sa pamamahayag, naniniwala ako na hindi kailanman maaaring maliitin ang ating mga kaptid na campus journalists. Tulad ng ating mga kapuwa professional media men, sila ay gumanap din ng makabuluhang misyong hindi lamang sa pagtuklas ng mga kaalaman sa larangan ng peryodismo kundi maging sa pagtatanggol sa karapatan sa pamamahayag o press freedom kasabay ng kanilang pagiging aktibo sa campus press.
Natitiyak ko na ang gayong mga pananaw ang naging batayan ng ilang mambabatas sa pagsusulong ng panukalang-batas na naglalayong magtatag ng campus journalism at campus freedom sa state universities and colleges (SUCs). Inihain ito ni Baguio City Rep. Mark Go, chairman ng House Committee on Higher and Technical Education. Tama lang na isabay rito ang pagtataguyod ng tinatawag na institutional autonomy ng mga student government/council at ng mismong student publication -- mga aktibidad na magsisilbing hasaan ng kaalaman ng mga mag-aaral sa larangan ng pamamahala at pamamahayag.
Nakalulugod mabatid na kahawig din ng nabanggit na panukala ang isinusulong naman ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago; may kinalaman ito sa pagtataguyod ng tunay na campus press freedom. Naniniwala ako na ito ay nakaangkla sa pagpapahalaga at pagtatanggol ng kalayaan sa pamamahayag sa labas at loob mismo ng mga campus ng ating mga young journalist.
Tila nalalabuan ako sa isinusulong na mga panukala na kapuwa nagpapahalaga sa tinaguriang ‘genuine campus press’. Sa kabila ito ng katotohanan na matagal nang umiiral ang Campus Journalism Act of 1991 (CJA) na sa aking pagkakaalam ay nagpapahalaga rin sa press freedom. Nais kaya nilang palitan ang naturang batas o dapat na lamang susugan? May batayan kaya ang mga pananaw na maraming kakulangan ang CJA at ito ay nagagamit sa pagbatikos sa mismong campus press freedom?
Anuman ang malinaw -- at kung hanggang saan makararating ang nasabing mga panukala -- ipaubaya na lamang natin sa naturang mga mambabatas ang susunod na kabanata, wika nga. Nais ko na lamang bigyang-diin na ang ating mga campus journalist ay magpapatuloy sa pagsisikap na maging professional media men na taglay ang tapang at talino sa pagtatanggol ng press freedom -- sa kabila ng katotohanan na ang gayong karapatan ay kakawing ng kamatayan.
-Celo Lagmay