NANG ipinatupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panibagong 75 araw upang ipagpatuloy ng local government units (LGUs) ang pag-aalis ng mga sagabal sa mga kalsada, bigla kong naitanong: Bigo ba ang road clearing operations na inilunsad ng Duterte administration? Nanlupaypay kaya ang LGUs sa pagtupad ng kanilang makabayang misyon hinggil sa pag-aalis ng mga sagabal sa mga kalye at iba pang lugar na kanilang nasasakupan?
Magugunita na ang LGUs – mga gobernador, alkalde at mismong mga barangay officials – ay naunang binigyan ng 60 araw upang tanggalin ang lahat ng sagabal sa mga kalsada at sidewalks na nakalaan lamang sa ating mga kababayan. Ibinatay ito sa utos ni Pangulong Duterte na naging tampok sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA). Ang lahat ng ari-arian ng gobyerno na ginagamit ng mga pribadong mamamayan para sa kanilang sariling pangangailangan ay dapat bawiin at ibalik sa sambayanan.
Sa loob ng naturang itinakdang panahon, -- 60 day ultimatum -- kumilos ang LGUs, lalo na ang mga barangay na may pangunahing misyon na baklasin ang mga illegal structures at hilahin ang mga sasakyan na naghambalang sa mga bangketa; kabilang na rito ang mga barangay hall na basta na lamang itinayo sa ilang sidewalk, mga tindahan at talyer at iba pang kubol na tinitirhan ng mga kababayan nating mga iskuwater.
Ang gayong nakasisiyang kapaligiran ang maaaring pinagbatayan ng DILG sa kanilang ulat: Umaabot na lamang sa 97 sa 1,245 LGUs ang non-compliant o hindi tumalima sa nasabing direktiba. Katunayan, 10 sa mga ito ang inihabla ng kasong administratibo, bagamat hindi matiyak kung hanggang saan na nakarating ang nasabing asunto.
Gayunman, gusto kong maniwala na ang bagong direktiba ng DILG ay bunsod ng hangarin nito na maipagpatuloy ang clearing operations sa lahat ng dako ng kapuluan. Dapat lamang untagin ang mistulang pagwawalang-bahala ng ilang LGUs na binansagang BSDU o balik sa dating ugali. Hindi maililihim na ang ilang barangay officials ay tila nagbubulag-bulagan sa nakaparadang mga sasakyan sa kanilang mga nasasakupan, lalo na sa Mabuhay lanes na bumabagtas sa kanilang mga nasasakupan.
Sa ganitong situwasyon, nasa wastong direksiyon ang pahiwatig ng DILG: Ang pagpapabaya ng LGUs ay maaaring humantong sa mga kasong administratibo, suspensiyon at pagtiwalag sa serbisyo.
-Celo Lagmay