INAMIN ni Senator Bong Revilla, Jr. na may tampo pala siya sa ABS-CBN sa nakaraang pa-thanksgiving party nila ng asawang si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla nitong Huwebes ng tanghali sa Annabel’s Restaurant.

Isa kasi sa tinanong kay sen Bong ang tungkol sa renewal ng prangkisa ng network at inalam din kung kung ilang senador ang may kuneksyon sa showbiz at isa-isa niyang binanggit ang mga pangalan nina Manny Pacquiao, Lito Lapid at Grace Poe.

Aniya, “basta ang masasabi lang natin diyan, nasa House pa ‘yan. Kasi hangga’t hindi pumapasa ‘yan sa Kongreso, kahit na ipasa namin siya sa Senado, hindi pa rin valid.

“So, kailangan, mag-emanate ‘yan sa House at pagka naaprubahan ‘yun do’n, sa tingin ko, saka namin ‘yan ita-tackle sa Senado.”

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

At saka inaming may tampo siya sa ABS-CBN, “Ako, personally, based on my experience, marami akong tampo sa ano na ‘yan, pero maninindigan ako sa tama. Kailangan, sa tama tayo manindigan.”

Ano ang ibig sabihin ng senador sa sinabi niyang maninindigan siya sa tama.

Natawa rin sina Senator Bong at Mayor Lani kasi nga naman ‘bitin’ ang pahayag nito kaya kinulit sila ng press.

“Saka na lang ‘yun. Basta ang puso ko, para sa mamamayang Pilipino,”saad nito.

Ang intindi namin sa pahayag na ito ng senador ay iniisip niya ang kapakanan ng mga empleyadong mawawalan ng trabaho kapag tuluyang hindi na-renew ang prangkisa Kapamilya network.

Anyway, balik-pelikula na ulit si Senador Bong at mapapanood ito sa 2020 Metro Manila Film Festival sa Disyembre.

“Matagal na naming inihanda ang pelikula at sorpresa ‘yun, secret muna. Comedy-adventure (genre),” nakangiting sabi ng pulitikong aktor.

Nabanggit ang mga pangalan nina Maine Mendoza at 2018 Miss Universe Catriona Gray na leading ladies ni senator Bong pero umiling siya, hindi raw totoo.

“Walang Catriona. Basta ‘yung proyekto, pinaghandaan namin at ‘yung effects pagyayabang natin. Basta pambata ito,”sabi pa.

Napag-usapan din ang tungkol sa mataas na bayad sa sine dahil hindi na nakakapanood ang karamihan.

“Regarding sa admission price ng mga sine, magpapatawag ako ng hearing niyan sa senate para i-tackle ‘yan dahil siyempre alam natin sa sobrang taas ng pelikula, ‘yung masang Pilipino hindi na sila naabot, talagang malaking epekto.

“Depende na sa producer kung papayag siya ng mas mababa o mas mataas na bayad sa sine. Sa tingin ko kung hindi ganyan kamahal, mas maraming manonood sa sine. At least one-way na puwede nating buhayin ulit ang pelikula, although nakikita naman natin kapag Metro Manila Film Festival, umaabot na nga ng isang bilyon, di ba? Kaya pa ring manood, choosy na lang ang mga tao kasi Pasko. Ang masama kapag hindi na pasko, wala. So para ma-engganyo ulit silang mabalik sa sine, sa tingin ko dapat ibaba ang bayad sa sinehan.

“Ako ‘yan ang stand ko kaya dapat pagharapin ang mga producer at theater owner, mga booker at ‘yung suporta ng mga artista ang importante (rin),”pahayag ni Senador Bong.

At bilang producer at aktor ay willing niyang ibaba ang bayad sa sine kapag hindi Metro Manila Film Festival o Disyembre. Pero kapag MMFF na ay ibalik sa dating presyo.

“May awa ang Diyos, maayos natin ‘yan,”sambit nito.

Samantala, ang dating karelasyon ng anak nitong si Cavite Vice Governor Jolo Revilla na si Jodi Sta. Maria ay producer na rin ng digital series sa iWant at planong mag-produce ng pelikula para sa mainstream.

Kaya natanong si Senator Bong kung halimbawang kunin silang artista ay payag sila.

“Why not? Puwede ko rin siyang kunin sa pelikula ko ‘di ba? I have nothing against Jodi, she’s a very nice person, nu’ng nandoon ako sa loob ng Crame, dumadalaw sila ro’n, napakabait niya saludo ako sa kanya,”pahayag ni sen Bong?

Maraming naka-miss kay Senator Bong at kay Mayor Lani kaya hindi matapos-tapos ang maraming katanungan sa kanila.

-Reggee Bonoan