TATLONG dekada nang naglilingkod ang Philippine Sports Commission (PSC) para sa atletang Pinoy.

Sa Enero 24, ipagdiriwang PSC ang kanilang ika-30th anibersaryo na nakatakdang gawin sa bagong gawa at makasaysayang Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz Maynila.

Sa loob ng tatlong dekada, dumaan na sa siyam na Chairman ang sports commission na sandalan ng mga atletang Pinoy at siyang katuwang ng gobyerno upang mangalaga sa kanilang tagumpay.

Nabuo ang PSC sa pamamagitan ng Republic Act 6847 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naitalaga bilang founding chairman ng nasabing ahensiya ang yumaong si Cecil Hechanova na nagsilbi buhat 1990 hanggang 1992 na sinundan naman ni chairman Aparicio Mequi taong 1992 hanggang 1993.

Taong 1993 humalili sa puwesto bilang chairman si dating Manila Mayor at Boxing Association president Mel Lopez na tumagal hanggang 1996.

Kasunod ni Lopez bilang PSC chairman taong 1996 hanggang 1998 ang kasalukuyang presidente ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na si Philip Ella Juico na sinundan naman ng yumaong si Carlos Tuazon mula 1998 hanggang 2001.

Ang dating swimming Olympian na si Eric Buhain naman ang humalili kay Tuazon bilang chairman taong 2001 hanggang 2005.

Naging host ang bansa ng SEA Games noong 2005 kung saan nailuklok bilang chairman ang Davao pride at kasalukuyang chairman na si William “Butch” Ramirez na kalaunan naman ay pinalitan ni Harry Angping taong 2009.

Taong 2010 hanggang 2016 ay naglingkod naman ang dating PSC commissioner Richie Garcia hanggang sa muli nga ay naibalik sa puwesto si Ramirez, mula 2016 hanggang sa kasalukuyan.

“This is a milestone for PSC. As we celebrate our 30th year we want it to be inside the Rizal Coliseum which has seen many siginificant events in the Philippine Sports,” pahayag ni Ramirez.

-Annie Abad