ANG katapatan ay may katumbas na parangal.

Kinilala ng Philippine Sports Commission (PSC) ang ipinamalas na katapatan at pagpapahalaga sa dangal ng dalawang empleyado ng PSC-Philsports sa Pasig City.
Sa ginanap na lingguhang flag-ceremony, pinangunahan ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, ang pagbibigay ng parangal kina Marilou Mae Perez, 34-anyos at isang janitress, gayundin ang security guard na si Jonar Marasigan.
Ayon kay Ramirez ang ginawa ng dalawa ay isang kabayanihan na nararapat na tularan ng bawat isa. Aniya, sila anghalimbawa ng dangal ng pagiging Pinoy.
Sa kasagsagan ng 30th Southeast Asian Games, napulot ni Perez ang wallet na may lamang pera na pagmamay-ari ng isang Indonesian volleyball fan na nanonood ng women’s volleyball competition sa Multi-Purpose Arena sa Pasig Philsports.
Kaagad na inireport ni Perez sa kanyang superior ang kaganapan at kagyat na nagsagawa ng aksyon upang maibalik ang kagamitan sa may-ari.
“Hindi ko naman po pinagpaguran ‘yung pera na yun. Hindi po sa akin yung pera kaya dapat itong maibalik sa may-ari. Yun na lang po yung inisip ko nun,” pahayag ni Perez.
Tulad niya, nakapulot din si Masigan ng wallet namay lamang ding pera sa parehong lugar kung saan bawat laro sa volleyball ay dinumog ng taong-bayan.
Si Masigan ang Head Guard Security na nasa ilalim ng King Eleazar Security and Investigation Agency, Inc. Nagsagawa ng pagsusuri ang 32-anyos sa napulot na kagamitan at kaagad na ipinaalam sa may-ari na nakuha ang kanyang kagamitan.
“Meron siyang laman na BDO atm, Metrobank, Credit Card and $1,500,” ayon kay Masigan.
Si Masigan ay may dalawang anak na kapuwa nasa elementarya, ngunit hindi kailanman sumagi sa isip niya na itago ang nasabing pitaka na kanyang napulot.
“Ang sa akin kasi… ang pera na pinaghirapan, mas masarap gastusin kaysa yung hindi mo naman pinaghirapan at hindi naman sa iyo. Yung karma na darating sa’yo mas mahirap,” pahayag ni Masigan na sampung taon na sa serbisyo, ngunit isang buwan pa lamang na nakatalaga sa Philsports bilang SO.
Pinagkalooban ni PSC Chairman Ramirez ng halagang P20,000 sina Perez at Masigan, na nagmula sa kanyang sariling pera. Pinasalamatan ni Ramirez ang dalawang empleyado sa kanilang kabayanihan na bahagi sa mga magagandang kuwento sa likod ng aksyon sa katatapos na 30th SEA Games.
“Not everything is about the medals and accolades. There are also stories about people like them who show the kind nature of the Filipino people. Iyan ang isa sa bumubuo ng mga ipapamana nating ala-ala sa SEAG 2019,” pahayag ni Ramirez.
-Annie Abad