NAKASISINDAK ang pahayag ni Pangulong Duterte: Gagawin niya ang lahat ng paraan upang hindi lumawig o ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN. Nangangahulugan ba ito na mistulang mabubura ang naturang himpilan ng radyo at telebisyon sa hanay ng mga network sa buong bansa? Na ito ay mawawalan na ng karapatang magpalaganap ng makatuturang impormasyon na dapat malaman mg taumbayan?
Palibhasa’y may matayog na pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag o sa tinatawag na press freedom, nakadama ako ng matinding panlulumo sa gayong panggagalaiti ng Pangulo. Maaaring ganito rin ang nadarama ng ating mga kapatid sa propesyon -- sa ating mga kapuwa miyembro ng tinatawag na Fourth Estate.
Sa pagtalakay sa nabanggit na pahayag ng Pangulo, hindi ko tatangkaing salangin ang mga dahilan ng kanyang panggagalaiti; kung ito man ay may kinalaman sa pulitika, negosyo at iba pang mga kadahilanan tulad marahil ng mga programa at iba pang panoorin na isinasahimpapawid ng nasabing network. Nais lamang nating itanong: Ano kaya ang magiging kapalaran ng ating mga kapatid na broadcast journalist sa nasabing media outfit?
Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, nais kong bigyang-diin ang kahalagahan ng broadcast journalist at ng print media sa larangan ng pamamahayag. Ito ang dahilan kung bakit ipinaglaban natin na ang kanilang hanay ay maging lehitimong miyembro ng National Press Club of the Philippines. Dati, ang naturang mga kapatid natin sa pamamahayag ay mistulang pinagsarhan ng pinto ng nakalipas na liderato ng NPC; itinakda ang limitasyon sa pagtanggap ng mga NPC members para lamang sa print at Metro Manila-based journalists.
Sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng itinuturing na mga haligi at senior advisers ng NPC, binuksan ko ang pintuan, wika nga, ng naturang pambansang organisasyon ng mga mamamahayag upang maging lehetimong miyembro hindi lamang ang mga broadcast jounalists kundi maging ang mga correspondents ng iba’t ibang pahayagan. Bilang NPC president, hiningi ko ang pahintulot ng NPC board of directors upang pagtibayin ang nasabing programa sa matuwid na ang broadcast media at correspondents tulad ng mga print at Metro-based journalist ay may iisang misyon: Mangalap ng makabuluhang impormasyon na dapat makarating sa sambayanang Pilipino sa buong kapuluan.
Hindi marahil kalabisang banggitin ang mga pangalang Jessica Soho ng GMA-7, Deo Macalma ng DZRH, Danny Buenafe ng ABS-CBN, Frankie Abao ng Chanel 9/13, Rolly “Lakay” Gonzalo ng multi-media na pawang naging mga NPC officials. Marami pa tayong mga kapatid sa media na ngayon ay mga legitimate NPC members.
Sa kabila ng lahat ng ito, dapat bang madamay ang ating mga media brothers and sisters sa ABS-CBN sa nakasisindak na pahayag ng ating Pangulo?
-Celo Lagmay