BUMAWI sa kanyang naunang 7-3 kabiguan kay Chezka Centeno sa women’s 10-ball singles si Rubilen Amit nang angkinin ang gold medal sa women’s 9 ball ng billiards competition nitong Linggo sa women’s billiards competition ng 30th Southeast Asian Games sa The Tent City ng Manila Hotel.

Tinalo ni Amit ang nakababatang kasangga sa All-Pinoy finals, 7-3, para makamit ang gold medal at tuparin ang pangako na babawi sa laban.

Unang nagharap ang dalawa sa 10-ball finals nitong Sabado na pinagwagihan ni Centeno.

Humabol si Amit mula sa 3-1 na pagkakaiwan bilang panimula bago tuluyang makopo ang kanyang pang-apat na SEA Games 9-ball gold.

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

Taliwas sa kanyang naging laro sa 10-ball finals, nakuha ni Amit ang kanyang breaks at agad kumalas sa panimulang 6-1.

“I’m very grateful na nanalo ako for this 9-ball,” pahayag ni Amit.

Matapos ang dalawang beses nilang pagtutuos, magsasanib puwersa sina Amit ay Centeno sa nakatakda nilang pagsabak sa women’s 9-ball doubles semifinals.

-Marivic Awitan