HINDI dapat ipagtaka ang mistulang pagpapa-umat-umat ni Pangulong Duterte sa pagtatalaga ng bagong Director General ng Philippine National Police (PNP). Nais lamang niya marahil na maging doble-ingat sa pagpili ng chief cop, lalo na nga kung isasaalang-alang na ang naturang organisasyon ng mga alagad ng batas ay manaka-nakang nakukulapulan ng mga alingasngas at hindi kanais-nais na mga gawain.
Mismong si Senador Bong Go, dating Presidential aide, ang tandisang nagpahayag na wala pang napipili ang Pangulo; patuloy pa siyang naghahanap ng honest o matapat na PNP chief. Ibig sabihin, pumipili ang Pangulo ng isang hepe na ang pagkatao ay walang bahid ng pag-aalinlangan; na ang paglilingkod ay laging nakatuon sa tunay na misyon ng pulisya -- To Serve and Protect. Humahanap siya ng honest man, kahit na mababa ang rango nito.
Matalinghaga ang pahayag ni Senador Go kaugnay ng pagkilatis ng Pangulo sa nais niyang PNP chief: “Parati niya (Presidente) ikinukuwento na may tao na kahit may araw, naghahanap ng lampara ... kasi, hirap pala siyang humanap ng honest man.” Nangangahulugan ba na hindi makita ng Pangulo ang kanyang hinahanap sa hanay ng kasalukuyang mga contenders bilang PNP Chief?
Totoo na karapatan ng Pangulo ang paghirang ng pinakamataas na hepe ng mga pullis at ng iba pang security agency na tulad ng Armed Forces of the Philippines ( AFP) at iba pa. Kahit na ang kanyang napipisil ay low-ranking officials. Magugunita na sina Senador Ronald dela Rosa ay one-star rank nang siya ay itinalaga bilang PNP chief, samantalang si General Oscar Albayalde ay two-star rank.
May katwiran ang Pangulo na maging maingat sa paghirang ng mamumuno sa halos 200,000 police force, lalo na nga at hanggang ngayon ay kabi-kabila pa rin ang mga alegasyon hinggil sa pagkakadawit ng ilang opisyal sa mga katiwalian; kasabuwat sa masalimuot na bidding transactions, pangingikil at illegal drugs, bukod pa rito ang pagkakasangkot ng ilan sa iba’t ibang criminal cases -- mga bagay na nakasira sa imahe ng pambansang pulisya. Sa kabila ito ng katotohanan na walang patumangga ang cleansing process ng nasabing ahensiya.
Sa harap ng gayong mga situwasyon, makita kaya ng Pangulo ang kanyang hinahanap na honest man na karapat-dapat iluklok bilang bagong PNP chief? Hindi kaya ang paghahanap sa huwarang police officer ay katulad ng paghahanap ng karayom sa bunton ng mga dayami, wika nga?
-Celo Lagmay