KAYA pala sinabi nina Cindy Miranda at Rhen Escano na tinablan sila at hindi naman itinangging may wet scenes ay dahil matindi ang love scenes nila sa pelikulang Adan na palabas ngayong araw, Miyerkoles na idinirihe ni Roman Perez, Jr.
Napanood namin ang pelikula sa ginanap na premiere night sa SM Megamall Cinema 1 nitong Lunes at talagang speechless kami sa mga eksena nila sa ibabaw ng malaking bato sa waterfalls, dinig ang pag-agos ng tubig, liwanag ng buwan lang ang ilaw at background music ang awiting Himig ng Pag-ibig na bersyon ni Shane Dandan na orihinal ni Lolita Carbon ng Asin.
Ang ganda ng shots ni direk Roman, napaka-artistic, actually sa lahat ng kuha niya na parang lumang pelikula ang dating pero sa makabagong sitwasyon, tulad ng walang masyadong linya si Bembol Roco, Jr bilang ama ni Rhen, gayun din ang dalaga.
Binigyan ng R-16 ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ang pelikula at Graded B naman ito sa Cinema Evaluation Board.
Puwede naman sana itong makakuha ng R-13 kung gugustuhin at magpuputol lang ng maselang eksena si direk Roman, pero ayaw niya dahil mawawalan ng saysay ang pelikula kung mawawala ang mga ito at totoo nga, ang ganda-ganda ng mga kuha niya.
Hindi naman bago ang kuwento ng ADAN kumpara sa mga pelikulang naipalabas na rati na dalawang babaeng magkarelasyon, depende lang sa pagkakagawa at kung paano ito ikinuwento ng nagsulat.
Maayos dahil simula palang ay intindi mo na ang takbo ng istorya at kung bakit umabot sa isang relasyon ng dalawang babae na mag-bestfriend na nagka-developan.
Ang hindi lang namin nahulaan ay ang ending ng pelikula dahil unpredictable ito, at ang nakakabaliw as in to the max.
Hindi namin ikukuwento, pero ang masasabi namin ang tapang ng pelikula, pang international screening ito, hindi ba ito isasali nina direk Roman at Yam Laranas? Nakatitiyak kami na pasok ito sa Cannes.
Ang husay –husay nina Cindy at Rhen sa pelikula considering na mga baguhan sila lalo na ang huli, bravo!
Ang ADAN ay produced ng Viva Films, Aliud Entertainment at Imaginepersecond.
-Reggee Bonoan