INILAMPASO ng National University ang De La Salle, 98-44, upang manatiling markado sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament nitong weekend sa Mall of Asia Arena.
Muling nagdomina si Jack Animam sa naisposteng 22 puntos, 15 rebounds, anim na assists, at tig-isang steal at block upang pamunuan ang Lady Bulldogs sa pag-angat sa 8-0 marka ngayong season at nagpalawig sa kanilang historic win streak hanggang 88 sunod na panalo.
“It not only helps NU right now, but it also motivates her a lot to play better. We need Jack to play better every game kasi siya ang heart and soul ng team ngayon eh. Tumataas ang game namin when she’s there,” ani coach Patrick Aquino.
Nagtala rin si Congolese center Rhena Itesi ng double-double 18 puntos at 11 rebounds kasunod si Kaye Pingol na may 14 puntos, 6 steals, at 2 boards para sa Lady Bulldogs.
Umpisa pa lamang ay kontrolado na ng NU ang laban matapos ang panimula nilang 28-8 run na lumobo pa ng hanggang 40 puntos sa halftime, 60-20.
Gayunman, naniniwala si Aquino na may iaangat pa ang kanilang laro.
“I want them to play better than that,” ani Aquino. “Di naman ako metikuloso, but we want to exceed more on some of those things that we have on our expectations kasi after Jack and Rhena this season, yung mga natitira na lang eh so I want the others to experience and play a lot to prepare them for next season.”
Pinamunuan naman ni Bennette Revillosa sa itinala nitong 13 puntos, 5 rebounds, at 3 assists ang Lady Archers na bumagsak sa 3-5 na rekord.
Sa ikalawang laro, pinadapa ng Far Eastern University ang University of the Philippines, 76-46, para sa ikatlong sunod na panalo.
Pinamunuan ni Valerie Mamaril ang Lady Tamaraws sa itinala nitong 21 puntos, 3 steals, at 2 assists, kasunod si Clare Castro na may 17 puntos at 7 rebounds.
Dahil sa panalo umangat ang Lady Tamaraws sa markang 6-2, panalo-talo habang nanatiling wala pa ring panalo ang Lady Maroons.
-Marivic Awitan
Iskor:
(Unang Laro)
NU (98) -- Animam 22, Itesi 18, Pingol 14, Hayes 12, Clarin 11, Cac 7, Cacho 6, Canuto 2, Fabruada 2, Goto 2, Surada 2, Bartolo 0, Del Carmen 0, Harada 0.
LA SALLE (44) -- Revillosa 13, Pastrana 8, Sario 8, Espinas 6, Jajurie 2, Jimenez 2, Paraiso 2, Quingco 2, Torres 1, Binaohan 0, Castillo 0, Dalisay 0, Okoli 0.
Quarterscores: 28-8, 60-20, 79-32, 98-44.
(Ikalawang Laro)
FEU (76) -- Mamaril 21, Castro 17, Abat 9, Bahuyan 8, Jumuad 6, Quiapo 5, Adriano 3, Pacia 3, Delos Santos 2, Payadon 2, Antiola 0, Bastatas 0, Nagma 0, Vidal 0, Villanueva 0.
UP (46) -- Ordoveza 12, Lebico 10, Pesquera 10, Sanchez 7, De Leon 2, Gonzales 2, Gusilatar 1, Hidalgo 0, Larrosa 0, Lucman 0, Taulava 0.
Quarterscores: 13-5, 35-18, 57-32, 76-46.