NAKIPAGPULONG si Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond Maxey kasama ang Ministry of Human Capacities of Hungary kamakailan upang palawigin ang programa ng sports na handball sa bansa.
Isang memorandum of agreement ang ilagdaan ng magkabilang panig para sa pagtutulungan na mapaangat ang sports sa bansa.
“They asked me if it’s possible Hungary can help in our handball program and I said, ‘yes of course.” pahayag ni Commissioner Maxey matapos ang kanyang limang araw na pagbisita sa Hungary, kasama ang Philippine men’s beach handball team at si Philippine Olympic Committee Chairman Steven Hontiveros.
Nitong Abril, lumagda ng isang memorandum of understanding ang PSC at ang Hungary na naglalayong magkaroon ng palitan ng ideya ukol sa kani-kaniyang programa hinggil sa nabanggit na sports.
“They also asked what other sports where we can have linkages like swimming and water polo. Hungary is very good in water sports, including rowing and canoe kayak.” kuwento pa ni Maxey.
Isa ang Philippine Men’s Beach Handball sa mga sports na aabangan ngayong taon, gayung sa unang pagkakataon ay lalaruin ito sa nalalapit pagtatanghal ng 30th Southeast Asian Games ngayong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Unang napanood ang Indoor version ng handball noong 24th SEA Games na ginanap sa Nakhon Ratchasima, sa Thailand noong 2007.
Ngayong host ang bansa sa SEA Games, mapapanood ang beach handball sa Disyembre 7 hanggang 11 na gaganapin sa Subic Bay International Tennis Center sa Olongapo, Zambales.
Nag-ensayo ang national squad sa Hungary at sumabak sa ilang serye ng international friendly games, kontra sa mga host country na nagsilbing isang magandang simula para sa koponan.
“There were two friendly matches. One in the morning and another one in the afternoon. It was a good showing for our players specially that we were up against a top caliber team in handball,” ayon kay Maxey.
Binubuo ng 12 manlalaro ang koponan kabilang ang Filipino-Iranian goalkeeper na si Daryoush Zandi kasama ang national coaching staff sa pangunguna ni Joanna Franquelli bilang head coach.
“SEA Games is always special probably because you know you have a chance of winning gold all the time,” ani Franquelli.
Dating miyembro si Franqueli ng Philippine basketball team at fencing na nakapag-uwi ng silver medal sa 1997 SEABA Championship na ginanap sa Bangkok, Thailand at nagwagi ng bronze medal sa women’s individual saber event sa fencing noong 2007 Southeast Asian Games.
-Annie Abad