HINDI na namin na-one-on-one interview sina Carlo Aquino at Maine Mendoza pagkatapos ng presscon ng pelikula nilang Isa Pa With Feelings na mapapanood na sa Oktubre 16 dahil didiretso pa sila ng shooting kaya halos lahat ng nag-aabang na entertainment press at bloggers ay nabitin sa masarap na tsikahan.
Gagampanan ni Maine ang karakter na Mara na mag-aaral ng sign language at si Carlo as Gali ang magtuturo sa kanya na isang deaf-mute.
Sa ipinalalabas na trailer ay nagkagusto si Gali kay Mara nang magkasabay sila sa elevator na plano sana niyang kausapin pero hindi niya nagawa kaya nasabi niyang, ‘ang torpe ko talaga!’
At sakto dahil parehong condominium unit pala ang tinitirhan niya dahil nakita ng binata ang crush niya na sumasayaw-sayaw sa terrace na naka-headphone at biglang nahiya nu’ng makita siya, sabi ni Gali sa sarili, “pag sinusuwerte ka nga naman, kapitbahay ko pala’ at hanggang sa naging close na sila.
Inamin din ni Carlo na madaling magustuhan si Maine dahil may sense of humor, ito ang gusto ng mga lalaking tulad niya.
Sabi naman ni Maine, hindi niya sukat akalain na ang nakilala niyang Carlo na seryoso sa lahat ng bagay ay baliw ding tulad niya kaya magkasundo sila sa entire shooting ng Isa Pa With Feelings na naging madali iyon para da direktor nilang si Prime Cruz na produced ng Black Sheep Entertainment at APT Entertainment.
Ano nga ba ang pagkakapareho nina Gali at Mara.
“Nakikitang pagkakapareho namin ni Mara, a lot of people are expecting from her, so parang nakikita ko rin siya, yung struggles ni Mara. Nakikita ko rin and nakikita ko sa sarili ko minsan doon ako nakakahugot,” sambit ni Maine.
“Si Gali, meron siyang parang ipinapakita sa tao, pero deep inside, insecure maraming insecurities. Ganoon din ako, kahit na maraming praises ang mga tao sa acting, marami talagang insecurities,” pagtatapat ni Carlo.
Habang nakaupo sa harapan ng entertainment press at bloggers ang dalawang bida ng pelikula ay pansin naming kampante sila sa isa’t isa at may mga pahampas-hampas pa si Maine kay Carlo na sabi nga ng lahat kung hindi lang alam na parehong ‘taken’ na ang dalawa ay pagdududahang may ‘something’ sila.
Natanong naman si Maine tungkol sa supporters niyang baka hindi tanggap ang bago niyang ka-loveteam sa Isa Pa With Feelings dahil nga ang gusto nila ay si Alden Richards pa rin.
“Parang given naman po na parang meron talagang as in group of people sa fandom na hindi natuwa sa bagong pairing.
“Pero nandito na ito, e, parang parte talaga siya dito sa mundo ng showbiz na hindi puwedeng iyon at iyon lang ang makakatrabaho mo.
“And feeling ko, eventually, maiintindihan din nila na it’s a chance for the artist to grow and to explore.
“Pero kahit ganoon pa man po, meron pa rin naman pong as in talagang suporta, solid pa rin ang pagsuporta sa proyekto po namin,” paliwanag ng aktres.
May pressure bang naramdaman ang CarMaine.
“More than pressure, ako, mas in-enjoy ko na lang yung bagong kapareha, di ba? Mas nag-concentrate ako sa doon sa mga matututunan ko kesa doon sa ma-pressure,” katwiran ni Carlo.
“Same rin po ako. Parang winelcome and in-embrace ko na lang ang pagkakataon to get to know another person, to work with another actor, with another team. In-enjoy lang,” sabi naman ng dalaga.
At marami ang pumabor sa sinabing ang galing umarte ni Maine, oo nga meron naman palang lalim kung gusto. Nasanay kasi ang lahat na nagda-dubmash siya, nagpapatawa sa kalyeserye at sitcom at maging sa mga pelikula niya ay nakakatawa rin siya hindi katulad dito sa Isa Pa With Feelings nailabas ni direk Prime ang galing nito.
Sana may follow-up para masanay na rin ang tao na mapanood ang aktres sa drama.
Abangan ang Isa Pa with Feelings sa Oktubre 16 at kasama rin sa pelikula sina Cris Villanueva, Kat Galang, Nikki Valdez, Vangie Labalan, Geleen Eugenio, Rafael Siguion –Reyna at Lotlot De Leon.
-Reggee Bonoan