RIOT talaga kapag kausap mo ang Panti Sisters na sina Paolo Ballesteros, Martin del Rosario at Christian Bables dahil wala silang ipinag-iba sa karakter nila sa pelikula na kasalukuyang humahakot ngayon ng datung sa mga sinehan, kaswalan lang ang tsikahan na lalo na ang pinaka-panganay sa tatlo.
Naka-tsikahan namin si Paolo sa ginanap na Pista ng Pelikulang Pilipino 2019 Gabi ng Parangal sa 1 Esplanade, Pasay City nitong Linggo ng gabi at panay ang pasalamat niya sa mga nagsuot na ng ‘panti’ at sa mga hindi pa nakakapag-suot ay palabas pa ito sa mga sinehan nationwide.
Si Martin ang napansin ng mga hurado ng PPP dahil siya ang tinanghal na Best Actor sa karakter nito bilang si Daniel na naging si Dani.
At okay lang iyon kay Paolo as Gabbi, “kahit sino sa kanila ang manalo. Alam ko na ‘yun kasi sila ‘yung mga kasama ko sa shooting.”
Deserved daw ni Martin ang award lalo’t unang acting award niya ito, “hindi talaga siya bumitaw sa karakter niya. Mahirap ‘yung karakter niya na pa-sweet. Mahirap kasi ‘yung nagpapaka-bakla tapos same ‘yung boses, pero siya (Martin) hindi nagbago, dinala niya sa buong shooting.”
Dream come true pala kina Direk Jun Robles Lana at Perci M. Intalan na mapagsama sina Paolo, Martin at Christian sa isang pelikula at expected na rin pala ito ni Pao dahil silang tatlo lang naman ang may kakayahang gumanap bilang Panti Sisters.
Kaya sa tanong kung handa na ba siya sa part 2 ng pelikula, “we’re always ready. Alam naman namin na ‘yung iniisip nina direk Jun at Perci, may tiwala naman kami sa kanila,” say ni Paolo.
Sa ending kasi ng Panti Sisters ay inanunsiyo na may part-two at may nakalagay na ‘hidden Panti sister’ kaya tinanong namin kung sino ‘yung nawawala dahil nawala ang isa sa kanila.
“Well, hindi tayo sure kung ito ba ay sequel o prequel. Kasi alam mo naman ang utak ni Jun at ni Perci,” kaswal na sagot ng aktor.
Sabi namin na ‘baka nga prequel kasi wala ng makukuhang ibang aktor na puwedeng makibagsabayan sa kanilang tatlo nina Martin at Christian sa gay role.
Pero naloka ang lahat sa sagot ni Paolo, “ohh, e, sana isama si Jed Madela para maglaban kami sa pakintaban ng damit!”
Sinabihan namin ang aktor ng, ‘huy naka-video ka!’ At doon lang naisip ni Paolo sabay bawi ng “joke lang.”
Naimbyerna ba si Paolo kay Jed, “charing-charing lang. Kasi nauna siya ‘no? Pagpasok ko ng (venue), huh! May nauna pala sa akin sa pakintaban ng damit. Pero okay lang, may exposure rin naman ako, ha, ha, ha.”
Kumakanta raw kasi si Jed nang pumasok si Paolo at nakita niyang mas makintab ang damit ng singer kaysa sa kanya.
Anyway, inamin ni Paolo na hindi siya nag-expect ng award sa PPP 2019, “nag-expect ako for my sisters Christian and Martin.”
Nabanggit din na may ibang movie offer kay Paolo pero hindi muna niya matatanggap dahil may araw-araw siyang Eat Bulaga na hindi niya puwedeng iwan dahil ito ang prayoridad niya.
“Hindi naman ako puwedeng umabsent nang umabsent sa Eat Bulaga, gusto ko ‘yung nagpupunta sa mga barangay siguro pahinga muna for movies, mga next year na.
“Teleserye hindi rin kaya ng schedules ko kasi naghihintay ka ng oras, e, hindi ko naman puwedeng itabi ang Eat Bulaga kasi iyon talaga ang priority ko at gusto kong gawin,” paliwanag ni Paolo.
At bago nagtapos ang aming panayam kay Paolo ay may mensahe siya kay Jed, “next time, ha, ha, ha. Next time sabihan mo naman ako na mauuna ka pala (magsuot ng makintab) para mas dinagdagan ko pa, mas binonggahan ko pa. Akala ko bongga na ako, pagpasok ko, shucks, kumakanta si Jed, naunahan na ako,” tumatawang sabi ng aktor.
Kaya tinanong namin kung seryoso siyang gusto niyang maging parte ng movie nila si Jed, “why not, isuot niya ‘yung makikintab, magpakintaban kami.”
Bawi ni Paolo, “hindi siya (Jed) mapipikon kasi kaibigan ko siya. Kumuha na siya ng painting sa akin kasi isa siyang art chororot (collector). Kaya nga ako naiinis, puwede naman niya akong i-message na, ‘makintab ang suot ko.’”
Nakakaloka talaga si Paolo kahit kailan laging pinasasakit ang tiyan namin sa katatawa.
-Reggee Bonoan