BEIJING (China) – Nakumpleto ng Greece at Czech Republic ang ‘Sweet 16’ para sa Second Round ng FIBA Basketball World Cup 2019 sa China.
Sinopresa ng Tomas Satoransky-led Czech Republic ang Turkey sa huling laro ng qualifying round nitong Huwebes, habang pinatalsik ng Greece, pinangungunahan ni NBA MVP Giannis Antetokounmpo ang New Zealand.
Magkasama ang dalawang koponan sa Group K para sa second round na kinabibilangan din ng Brazil at USA.
Lalarga ang Second Round match sa Nanjing, Wuhan, Shenzhen at Foshan.
Tangan ng mga koponan ang marka na nakamit sa First Round tungo sa labanan para sa slots sa Quarter-Final kung ang mangungunang dalawang koponan sa bawat grupo ang uusad sa ‘knock-out phase’.
Nangunguna ang Argentina at Poland sa Group I na parehong may 3-0 karta, kasama ang Russia at Venezuela. Sa Wuhan-based Group J, liyamado ang Serbia at Spain kasama ang Italy at Puerto Rico.
Nakatuon naman ang pansin sa defending champion USA na sasabak sa Group K (3-0).