SA ginanap na blogcon ng pelikulang G! na pinagbibidahan nina McCoy de Leon, Mark Oblea, Jameson Blake at Direk Dondon Santos sa Papa Kims Korean Bakery and Coffee nitong Martes ng gabi ay inamin ng una na para sa kanya ay hindi magiging hadlang ang love para sa friendship.

MCCOY

Ang ganda kasi ng nabuong samahan ng apat na bida ng G! habang sinu-shoot nila ang pelikula.

Sa nasabing blogcon ay diretsahan naming tinanong sina Jameson at McCoy kung hindi naapektuhan ang pagkakaibigan nila ni Jameson dahil sa ex-girlfriend niyang si Elisse Joson na balitang dine-date ngayon ng huli.

Tsika at Intriga

Doc Willie Ong, napatawad na ba mga bagets na nam-bash sa kaniya noon?

Unang sumagot si Jameson, “dahil sa love? Siguro na-affect but not in a bad way naman.”

Sundot namin, nagpaalam ba si Jameson kay McCoy?

“Kinausap ko siya, we talked about it before, siyempre I respect din as a friend, so ayun. I won’t let things go, gusto kong maayos din ang lahat. Okay both parties naman.”

Baling namin sa ex-boyfie, ano naman ang naging reaksyon niya nang magsabi sa kanya si Jameson na liligawan niya si Elisse?

“Ako siguro masaya at malungkot. Malungkot kasi siguro siyempre nasanay ako na kasama ko palagi. Masaya kasi magiging masaya siya (Elisse) sa taong mapupunta sa kanya ay mabait at aalagaan siya at kilala ko.

“Gusto ko ring sabihin a itong movie (G!) na ‘to, hindi nakasira, mas lalong nakabuo sa amin. Tumibay na ‘uy okay tayo’ ganu’n. Nagtapos ‘yung palabas na mas lalong nadagdagan ‘yung samahan namin, mas lalong nakilala sa isa’t isa at lalong masaya na nasa mabuting kamay,” magandang sagot ng binata.

Nakita na ba ng bida ng G! na magkasama sina Elisse at Jameson?

Natawa muna si McCoy, “nakita ko na sila, first time sa… Actually kasi mga fans, sobrang bilis (mag-upload sa social media). Wala akong naramdaman na lungkot nang time na ‘yun. First time kong nakitang masaya ‘yung tao, eh. Kumbaga punum-puno ng negative rito sa atin, sa lahat, husgahan. Makikita mong masaya sila (Elisse at Jameson). Ba’t ka magagalit sa dalawang taong masaya? At ako, mas lalo pa akong magiging masaya lalo na kapag nakausap ko sila. Kumbaga nandito lang ako para sa kanilang dalawa.”

Kapag niyaya ba siyang lumabas bilang kaibigan nina Jameson at Elisse, sasama ba siya?

“Ang hirap naman no’n, parang hindi ko na-imagine, pero walang problema sa akin. Sabi ko nga kay Jameson sa kalagitnaan ng movie namin parang ‘okay na ba kayo? Kumusta na kayo? Ligawan mo muna ‘yung nanay, ganu’n lang.’

“Ayaw ko ring (masaktan) ‘yung kaibigan ko, gusto kong maging masaya siya. E, that time, naranasan ko at ayaw kong maranasan niya ‘yung mga hindi magandang nangyari sa akin,” masayang sagot ng aktor.

Hayan klaro, nagbigay pa ng tip si McCoy kay Jameson para mas lalong mapalapit sa pamilya ni Elisse.

Ang pelikulang G!, na mula sa direksyon ni Dondon Santos, ay entry ng Cineko Productions sa 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na mapapanood na simula sa Setyembre 13. Kasama rin sa pelikula sina Paulo Angeles, Kira Balinger, Lara Quigaman, Patrick Sugui, Roxanne Barcelo, Joey Marquez at Rosanna Roces.

-Reggee Bonoan