ISA pang Pinoy boxer ang kakasa sa undercard ng depensa ni OPBF flyweight champion Jayr Raquinel kay Japanese challenger Takuma Kogawa sa katauhan ni WBA Asia 112 pounds titlist Alphoe Dagayloan na sasagupa sa ambisyosong rookie boxer na si Ryota Yamauchi sa 8-round bout sa Agosto 23 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.

May limang laban pa lamang si Yamauchi, 4 na panalo sa pamamagitan ng knockouts at natalo siya sa kanyang huling pagsagupa kay Chinese world ranked boxer Wulan Tuolehazi sa 12-round unanimous decision noong nakaraang Marso 30 sa Shanghai, China para sa bakanteng WBA Asia flyweight belt.

Gustong gawing tuntungan ni Yamauchi si Dagayloan na nakalistang No. 14 contender kay WBA flyweight titlist Artem Dalakian ng Ukraine.

Ngunit hindi pipitsuging kalaban si Dagayloan na isa sa mangilan-ngilang Pinoy boxer na nagwagi sa Russia nang palasapin ng unang pagkatalo si 2017 IBF Silkroad Champions Tournament titlist Madiyar Zhanuzak ng Kazakhstan na apat na beses niyang pinabagsak bago napatigil sa 8th round noong Hulyo 14, 2018 sa RCC Boxing Academy sa Ekaterinburg.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Napanatili ni Dagayloan ang WBA Asia flyweight title noong nakaraang Abril 13 sa Quibors Boxing Gym sa Bacoor City, Cavite nang palasapin niya ng unang pagkatalo ang paboritong si Esneth Domingo para mapaganda ang kanyang rekord sa 13-2-5 na may 5 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña