Dear Manay Gina,
Dalawa na ang anak ng aking misis bago pa man kami ikinasal. Noon ay nabanggit ko sa kanya na kumpleto na ang aming pamilya.
Subalit ngayon, hinahanap-hanap ko ang pagkakaroon ng sariling anak. Ang ikinalulungkot ko lamang, ayaw na ng aking misis na mag-anak. Ano ang gagawin ko para makumbinsi siyang magka-anak muli? Ang bagay na ito ay nagiging simula ng aming pag-aaway.
Noli Boy
Dear Noli,
Bago kayo ikasal, tinanggap mo ang pagkakaroon niya ng dalawang anak, at nagkasundo kayo na kumpleto na ang inyong pamilya. Noon, ikaw ay tinanggap din ng iyong misis bilang ikaw, kasama na ang lahat ng iyong katangian, masama man o mabuti.
Ngayon, ano kaya ang dahilan at nakadarama ka ng pangungulila?
Ito ang iyong tuklasin, dahil ang pagkakaroon ng anak ay hindi dapat gamiting solusyon sa anumang pangungulila at pagkukulang.
Hindi mo mapipilit ang iyong asawa na gumawa ng bagay na labag sa kanyang kagustuhan. Sa halip, ipanalangin n’yo kung ano ang tama para sa inyong buhay.
Mahalaga sa mag-asawa ang pagkilala sa nabitawang pangako. At kung may pagbabago sa inyong buhay, ito’y inyong mapag-uusapan, sa mahusay na paraan.
Nagmamahal,
Manay Gina
“The art of acceptance is the art of making someone who has just done you a small favor wish that he might have done you a greater one.”
Russell Lynes
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia