SA pagbubukas ng ikatlong session ng 18th Congress nitong July 24, muling isinumite ni Nueva Ecija Representative Micaela S. Violago ang kanyang nakabinbing panukala noong 17th Congress na magpapalawig sa franchise ng ABS-CBN ng 25 taon.
Nakatakdang magtapos ang prangkisa ng istasyon sa March 20, 2020.
Ang House Bill 676 na may titulong “AN ACT GRANTING ABS-CBN BROADCASTING CORPORATION A FRANCHISE TO CONSTRUCT; INSTALL, ESTABLISH, OPERATE, AND MAINTAIN BROADCASTING STATIONS IN THE PHILIPPINES, AND FOR OTHER PURPOSES” ay naglalayong mapagkalooban ng 18th Congress ang Kapamilya network ng panibagong 25-year franchise to broadcast pagkatapos ng expiration ng kanilang prangkisa.
Hindi natalakay noong 17th Congress ang unang file ni Representative Violago ng House Bill 4349 na naglalayong muling mabigyan ng prangkisa ang broadcast giant.
Ayon sa naulat noon, hindi inaksiyunan ng Committee on Legislative Franchises ang bill na nai-file ng mambabatas noong November 2016 dahil sa sigalot sa pagitan ng ABS-CBN at ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagbanta kasi ang Presidente na hindi niya aaprubahan ang franchise renewal ng istasyon dahil umano sa hindi pag-ere ng istasyon sa political ad niya noong 2016 Presidential Elections.
Sa kanyang regular press briefing sa Malacañang noong July 18, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakasalalay sa Kongreso ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Nataon kasing noong araw na iyon ay nag-lapse into law ang 25-year franchise renewal ng TV5.
Sagot ni Panelo sa tanong tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN, “Ang ABS-CBN, ang expiration niyan ay next year pa. Nasa Kongreso ang bola niyan, hindi naman kay Presidente.”
Sa panayam naman kay Presidential Communications and Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, sinabi nitong hindi ibi-veto o haharangin ng Presidente ang prangkisa sakaling makalusot ito sa Kongreso.
Lahad ni Andanar sa interview ng DZBB kahapon, July 24, “Sa palagay ko naman, kapag pumasa na sa Kongreso, okay na.
“Kapag pumasa sa Kongreso, kasi nasa Kongreso pa, e, nasa kanila ang bola sa ngayon. ‘Yun ang palagay ko,” dagdag pa ni Andanar.
-Ador V. Saluta