Nasa 87% ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat na igiit ng gobyerno ang karapatan nito sa mga isla ng bansa sa West Philippine Sea o WPS, ayon sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa special survey na isinagawa nitong Hunyo 22-26, tinanong ang 1,200 respondents sa opinyon nila: “The Philippine government should assert its right to the islands in the West Philippine Sea as stipulated in the 2016 decision of the Permanent Court of Arbitration.”
May kabuyang 87% ang sumang-ayon, 5% ang hindi sumang-ayon, at 9% ang hindi makapagdesisyon.
Sa kaparehong panahon, inusisa rin ng SWS ang opinyon ng publiko: “The government should arrest and prosecute Chinese fishermen causing the destruction of marine resources in the West Philippine Sea.”
Sa pagkakataong ito, 87% din ang sang-ayon, 5% ang hindi sumang-ayon, at 8% ang hindi pa makapagpasya.
Tinanong din ang mga respondents: “How serious is the government in protecting the safety of Filipino fishermen in the West Philippine Sea against foreign vessels that threaten their security?”
Nasa 71% ang nagsabing seryoso ang pamahalaan na protektahan ang mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea, habang 15% ang nagsabing hindi seryoso ang gobyerno, at 15% ang walang opinyon sa usapin.
-Ellalyn De Vera-Ruiz