NAKALIMUTAN naming tanungin si Papa Ahwel Paz kung anong oras at kung ilang oras na lang ang tulog niya sa rami ng ginagawa niya sa araw-araw. Bukod kasi sa pagiging radio host sa hapon at gabi, may mga in between live reports pa siya at meetings, dahil isa rin siyang negosyante.

Papa Ahwel, Niña, at Doc Luisa

Si Papa Ahwel ay kasamang host nina Niña Corpuz at Dra. Luisa Ticzon-Puyat para sa programang Good Vibes, na mapapakinggan sa DZMM tuwing 1:00 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes, at mapapanood din online sa audio streaming sa dzmm.com.ph at livestreaming sa iWant.

Tuwing Biyernes lang si Papa Ahwel sa Good Vibes at may radio program sila ni Jobert Sucaldito na Mismo sa DZMM tuwing 10:00 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes din.

Relasyon at Hiwalayan

Pampabuwenas? Atong 'tinuka' si Sunshine sa cockfight

Aminado ang radio/TV host na sipag at tiyaga ang kailangan sa trabaho, dahil hindi malalaman kung hanggang kailan ka may trabaho, na tama nga naman.

Ipinakita sa amin ni Papa Ahwel ang litrato ng tahi niya sa tiyan, na umabot ng 22 stitches, dahil inoperahan siya kamakailan dahil sa appendicitis.

“Kasi nga lagi po akong nagmamadali, kaya sa kotse na lang ako kumakain, super bawal pala ‘yun. Dapat kumain sa tamang posisyon,” bungad kuwento sa amin.

At ang challenge pa raw, pitong araw bago siya operahan ay may show siya sa ibang bansa, na matagal na niyang natanguan.

“Sabi ko sa doktor ko, ‘doc baka puwedeng i-postpone, kasi in 7 days lilipad ako (pa-Europe)’. Sabi ng doktor ko, ‘hindi puwede, kung gusto mo pang mabuhay’, sabay salpak ng pampatulog. Paggising ko may tahi na ako sa tiyan.

“Tumuloy ako, siyempre commitment ‘yun, Kapamilya show. Binigyan ako ng gamot ni doc na pain reliever at kung anu-ano pa.

“Good thing sina Gerald (Anderson) ang kasama ko, at talagang super alalay siya sa akin kasi dahan-dahan ang lakad ko. May unan akong nakapatong sa eroplano.

“Pagdating sa venue, ako ang magtuturo sa dancers, ‘yung tamang blocking, ganito, ganyan. Tapos host ako at may change costume pa. Hindi ako puwedeng magreklamo kasi work ‘yun. Sa totoo lang, in pain ako at dinugo ako, pero tuloy pa rin ang show.

“At dahil host ako, ‘pag nasa likod ako ng stage, si Gerald panay ang himas sa likod ko, kasi masakit talaga.

“Mabait ang Diyos, super successful ang show at nakakatuwa kasi ang saya-saya,” mahabang kuwento ni Papa Ahwel sa amin.

At pagdating daw niya ng Pilipinas ay diretso siya sa hospital, at na-confine siya nang tatlong araw, dahil nga dinugo siya at kailangan ng bed rest.

Bakit nga ba kasi kayod marino si Papa Ahwel, eh isa lang naman ang anak nila ng dentista niyang asawa?

“RB (tawag sa amin), hindi lang naman mag-ina ko ang kargo ko, ‘di ba? Nandiyan pa rin ang pamilya ko, nanay ko, mga kapatid ko at marami kasi akong tinutulungan. ‘Yung extended family ko na ‘I Love my Family.’

“Kaya kung hindi ako magsisipag, paano ko makakayanan lahat?” katwiran sa amin ni Papa Ahwel.

Dagdag pa niya, “Saka ‘pag nakasanayan mo na talagang magpasaya ng tao, hahanapin mo, eh. Hinahanap ng katawan ko ‘yung mga ginagawa ko araw-araw. Masaya kapag may mga taong napapasaya ka, napapangiti ka, nagpapasalamat kasi na-inspire mo sila.”

At dahil tuwing Biyernes lang si Papa Ahwel sa Good Vibes, sa kanya naman nakatoka ang balitang artista, na gustung-gusto ng listeners nila.

“’Yun bang mga nakaka-good vibes naman sa mga artista. Kasi ‘di ba maraming fans ang mas masisiyahan kung may mga balitang good vibes sa mga idolo nila? Kaya lahat ng magagandang balita para sa artista ‘yun naman ang ikinukuwento ko sa radyo,” nakangiting sabi ni Papa Ahwel.

Kabilang ang Good Vibes sa pagdiriwang ng ABS-CBN sa ika-65 taon nito, at napapakinggan sa DZMM Radyo Patrol 630.

Para sa balita, sundan ang @DZMMTeleRadyo sa Facebook at Twitter o pumunta sa dzmm.com.ph o. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abscbnpr.com.

-Reggee Bonoan