Laro Ngayon

(MVA City Coliseum-Zamboanga)

5:00 n.h. -- Magnolia vs Meralco

MAIPAGPATULOY ang naitalang tatlong dikit na panalo para palakasin ang tsansa sa top 2 ang tatangkain ng Magnolia sa kanilang pagdayo ngayong hapon sa Zamboanga kung saan sasagupain nila ang Meralco sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ganap na 5:00 ng hapon ang duwelo ng Hotshots at ng Bolts sa MVA City Coliseum.

Hawak ang barahang 4-2, bitbit ng Hotshots ang momentum mula sa 36- puntos na demolisyon nila sa San Miguel Beer noong Miyerkules na gagamitin nila upang dugtungan ang naiposteng 3-game winning run.

Sa kabilang dako, kabaligtaran naman ang kapalaran sa kanilang kalaban, magkukumahog namang makaahon ng Bolts sa kinasadlakang tatlong sunod na kabiguan na nagbaon sa kanila sa ika-9 na posisyon taglay ang markang 3-5.

Huli silang natalo sa kamay ng NLEX Road Warriors noong nakaraang Hunyo 19 sa iskor na 91-100 sa MOA Arena.

Inaasahang maglalaro para sa Bolts ang bagong import na si Delroy James na ikalawang import na ipinalit nila sa na injured na si Gani Lawal matapos hindi maging epektibo ng naunang ipinalit na si Jimmie Taylor.

Beterano ng mga liga sa Italy, Turkey, Russia, Greece, Lebanon at Israel, malalaman ngayon kung matutulungan pa ng 6-foot-8 na tubong Berbice,Guyana na si James na maisalba ang Bolts at maitawid hanggang playoffs.

Tatapatan naman siya ni Hotshots import James Farr na maganda na ang chemistry na ipinakikita sa kanyang mga local teammates.

-Marivic Awitan