Posibleng si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang maging susunod na chairman ng Mindanao Development Authority o MinDA, at hindi siya ililipat dahil nasangkot siya sa kurapsiyon, kundi dahil siya ang pinaakma para sa posisyon.

Sec. Manny Piñol

Sec. Manny Piñol

Ito ang binigyang-linaw ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes, ilang oras makaraang pumutok ang balita na nagbitiw na sa puwesto ang kalihim.

Sa gitna ng mga planong italaga si Piñol bilang intermediary sa Bangsamoro transition authority, binigyang-diin ng Presidente na si Piñol ay “not corrupt”, bagamat aminado siyang “talkative” ang dating gobernador ng North Cotabato.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

“I want him to focus kasi taga-Mindanao, walang ibang makita ko na perfect for the job—it’s Manny. Now if you are asking about corruption, no, he is not corrupt,” sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag sa Malacañang nitong Huwebes ng gabi.

‘JUST TALKATIVE’

“It is not corruption. He is not corrupt. He's just talkative,” dagdag ng Pangulo.

Sa liham na isinumite niya sa Presidente nitong Huwebes, hiniling ni Piñol na lisanin na niya ang DA bilang kalihim nito, at italaga siya sa ibang ahensiya, saka niya binanggit ang MinDA.

Nakasaad din sa resignation letter ni Piñol ang pagpapahayag niya ng hindi nagmamaliw na suporta kay Pangulong Duterte at sa administrasyon nito, ayon kay Senator-elect Christopher Go.

SINISI SA RICE SHORTAGE

Ayon kay Go, kusa nang bababa sa puwesto si Piñol makaraang ilang miyembro ng Gabinete ang sumisi umano sa kalihim sa nangyaring kakapusan ng bigas sa bansa noong nakaraang taon.

Sa kanyang liham kay Duterte, inirekomenda ni Piñol ang tatlong undersecretary ng DA, sina Waldo Carpio, Ariel Cayanan, at Francisco Vilano, na posibleng pumalit sa kanya at pamunuan ang kagawaran.

Sakaling aprubahan ng Pangulo ang kanyang kahilingan, sinabi ni Piñol na handa siyang tanggapin ang bago niyang posisyon sa pamahalaan sa Agosto 1.

‘TIMON’ SA BANGSAMORO

Kalaunan, sinabi ng Presidente na ikinokonsidera niya si Piñol para pamunuan ang MinDa at makipag-ugnayan sa Bangsamoro caretaker government sa pagpapabilis ng socioeconomic development sa bagong autonomous region.

“I cannot see anybody in the horizon except Piñol who knows and grew up, born in Mindanao. He's a farmer and governor. So sabi ko, kailangan ko ng timon,” anang Pangulo.

“Sabi ko ‘pumunta ka na lang doon, tulungan mo na lang ako’. Get them started, hurry up, hurry them up, so that they will have a first regular organized government that they have long wished for,” dagdag pa ni Duterte.

Sinabi pa ng Pangulo na makikipag-usap siya kay Bangsamoro interim chief minister Murad Ebrahim bago ilipat si Piñol sa MinDA.

BALASAHAN?

Kasabay nito, inihayag ng Presidente ang plano niyang magpatupad ng “mini” Cabinet revamp, at limang opisyal ang posibleng maapektuhan sa balasahan. Kalaunan, sinabi ni Duterte na nagbibiro lang siya.

“Sa Cabinet members, lima. Lima ka positions na gusto kong mabakante. Pero bakantehin mo ‘yan, wala mang mag-alis, magpatay ako ng apat,” biro ni Duterte.

Gayunman, nilinaw niyang hindi siya magdadalawang-isip na magsibak ng sinuman sa gobyerno na masasangkot sa kurapsiyon.

-Genalyn D. Kabiling