FOLLOW-UP ito sa nasulat namin dito sa BALITA tungkol sa dating Hashtag member na si Jon Lucas, na nasa pangangalaga na ngayon ng talent manager na si Becky Aguila.
Ayon sa manager nina Jennylyn Mercado, Sheena Halili, Mariel Pamintuan, Savannah Pineda, Mikoy Morales, Neil Coleta, Phytos Ramirez, Valerie Concepcion, Empress Schuck, at Andrea Brillantes, ipinakilala sa kanya si Jon ni Jan Enriquez, na rating empleyado ng ABS-CBN Corporate Communication.
“Jon was introduced to me by Jan who is very close friend of Jon ever since he started in ABS-CBN,” kuwento ni Tita Becky. “Jon mentioned to Jan that he is no longer with Star Magic and he is open to getting a new management to further advance his career.”
Sinabi ni Tita Becky na umpisa pa lang ay magaan na ang loob niya kay Jon.
“Magaan ang loob namin sa kanya, very sincere na bata. He deserves another chance. I see a younger version of Boyet de Leon and Jericho Rosales. Let’s pray that he makes it this time around,” mensahe sa amin ng nasabing manager.
“I’ve always believed Jon has what it takes to make it in the industry so hindi ako nagdalawang-isip to get him in my agency.”
Bago napunta sa poder ni Tita Becky si Jon ay wala nang kontrata ang huli sa ABS-CBN Star Magic. Hindi lang malinaw sa amin kung hindi ni-renew ang ex-Hashtag member, o siya mismo ang hindi nag-renew.
At kahit wala nang kontrata si Jon sa Star Magic ay tinutulungan pa rin siya at hinahanapan ng projects. ‘Yun nga lang, walang regular na project para sa kanya, bagay na kailangan niya dahil pamilyadong tao na siya.
“Everything just fell into place and even with Star Magic. Jon parted ways amicably. We are excited for his new journey with him,” paliwanag pa ni Tita Becky.
Ilang beses naming tinanong si Tita Becky kung ano ang projects ni Jon sa GMA-7, pero hindi niya kami sinagot.
Good luck, Jon!
-Reggee Bonoan