ISANG napapanahong travel-environmental documentary, ang Pamana: Saving our Heritage ang mapapanood bukas, Hunyo 23, na pangungunahan ng mga beteranong mamamahayag na sina Kara David, Raffy Tima, at Mariz Umali.

Sa Pilipinas makikita ang ilan sa mga nakamamanghang lugar na hindi lamang bumighani sa mga Pinoy kundi pati na rin sa buong mundo. Sa katunayan, ilan sa mga lugar sa ating bansa ang kinilala bilang “world heritage site” ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO)—isang international group na layunin na ipalaganap ang pagpapanatili o preservation ng cultural at natural heritage sa buong mundo.

Sa kasalukuyan, may anim na “world heritage sites” sa Pilipinas: ang Baroque Churches of the Philippines, ang Tubbataha Reefs Natural Park, ang Rice Terraces of Philippine Cordilleras, ang Historic City of Vigan, ang Puerto Princesa Subterranean River National Park, at ang Mount Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary.

Dahil sa angking ganda at kahalagahan, malaki ang naiambag ng mga lugar sa pagpapaunlad ng turismo sa bansa. Subalit sa paglipas ng panahon, at dahil na rin sa lumalalang isyu ng climate change, ang mga heritage site na ito ay nanganganib na mawala.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Sa anim na heritage sites, tatlo rito ang napaulat na humaharap sa mga hamon ng kasalukuyang panahon. Ang Banaue Rice Terraces ay nangangailangan ng rehabilitation dahil sa matinding erosion. Ang Puerto Princesa Subterranean River naman, hindi ligtas sa epekto ng climate change. At ang Makasaysayang Lunsod ng Vigan, nakakaranas ng problema sa pagpapanatili o preservation ng cultural value nito.

Samahan sina Kara, Raffy, at Mariz na bisitahin ang tatlong lugar na ito upang imbestigahan ang lumalalang pagkasira sa mga lugar na ito na banta sa kanilang kinabukasan. Alamin din kung ano ang maaaring gawin upang masagip ang mga lugar na maituturing nating ‘pamana’ sa susunod na lahi.

Mapapanood ang Pamana: Saving Our Heritage ngayong Linggo (Hunyo 23) 3:30 pm, sa GMA 7.