Arestado ang isang lalaking walang trabaho makaraang pagtangkaan niya umanong dukutin at tangayin ang isang babaeng Grade 5 student sa Sta. Cruz, Manila.

KIDNAPPING

Kasong abduction in relation to Anti-Child Abuse Law (RA 7610) ang kakaharapin sa piskalya ni Rodennis Garcia, 49, ng Dagat-dagatan, Caloocan City.

Dinakma si Garcia kasunod ng umano'y tangkang pagdukot sa 11-anyos na babaeng biktima, na taga-Sta. Cruz, Manila,

Internasyonal

10k free condoms, ubos agad sa Winter Olympics!

Batay sa naantalang ulat ng Sta. Cruz Police Station 3 (PS-3) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 9:00 ng umaga nitong Biyernes nang mangyari ang insidente sa Rizal Avenue, kanto ng Yuseco Street, sa Sta. Cruz.

Nauna rito, inutusan umano ng kanyang mga magulang ang biktima na magtungo sa Anacleto Street upang bumili ng pagkain.

Habang naglalakad ang bata ay nakita siya ng suspek, tinawag, at sinabihang, “Halika, may ibibigay ako sa ‘yo. Ibigay mo sa tatay mo. Sumama ka sa akin.”

Nang tumanggi umano ang bata ay puwersahan na umano siyang isinakay ng suspek sa bisikleta nito at saka binagtas ang T. Mapua Street.

Gayunman, pagsapit sa M. Ponce Elementary School ay bumaba ang suspek sa bisikleta, na sinamantala umano ng paslit at kumaripas ng takbo pauwi.

Isinumbong ng biktima sa kanyang ama ang ginawa ng suspek, kaya kaagad na nakahingi ng tulong ang magulang sa mga opisyal ng barangay.

Papatakas na umano si Garcia nang maabutan at maaresto ng mga barangay officials, at kaagad na binitbit sa Alvarez Police Community Precinct (PCP) para maikulong at makasuhan.

-Mary Ann Santiago