NAKATAKDANG ilunsad ng lokal na pamahalaan ng General Santos City ang panibagong yugto ng malawakang coastal cleanup at pagtatanim ng mga puno at bakawan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Environment Month.

Sa pagbabahagi ni Valiente Lastimoso, pinuno ng City Environment and Natural Resources Office, target ng lokal na pamahalaan na makahikayat ng daan-daang volunteers para sa mga gaganaping aktibidad ngayong buwan.

Ayon kay Lastimoso, magaganap ang tree planting activity sa Hunyo 17 hanggang 20 na sasakop sa bahagi ng circumferential o diversion road siyudad.

“We will be planting mahogany tree seedlings and bougainvillea plants along the roadsides from Barangay Mabuhay to Conel roads,” pahayag niya sa isang media forum.

Pangungunahan, aniya, ng City Environment and Natural Resources Office ang watershed tree growing sa Hunyo 21 sa Purok Balakayo, Barangay Olympog. Habang kabilang sa iba pang aktibidad ang Buayan riverbank rehabilitation sa Barangay Batomelong Hunyo 14 at gayundin ang pagtatayo ng bakawan at paglilinis ng baybayin sa Barangay Bula, Baluan at Buayan sa Hunyo 29.

Idaraos din ng pamahalaang lungsod ang unang GenSan Urban Biodiversity and Urban Bird Fair sa Hunyo 18 at 19 sa Plaza Heneral Santos.

Nag-imbita din ang lungsod ng mga pribadong kumpanya, mga pambansang ahensiya ng pamahalaan, non-government organizations, mga lokal na ahensiya ng pamahalaan, at iba pang sektor upang makilahok sa coastal cleanup at tree planting activities.

Buong taon ang isinasagawang pagtatanim at pagpapalaki ng mga tree seedlings ng mga personnel ng Cenro, bilang bahagi ng nagpapatuloy na tree growing program ng syudad, na layong matugunan ang problema sa polusyon at epekto nito sa climate change.

Mula taong 1997, aniya, pinamamahalaan na ng lokal na pamahalaan ang pagtatanim ng nasa 700,000 puno sa mga bahagi ng lungsod.

“Our goal is to plant a total of one million trees by 2020 and we are optimistic in achieving that,” aniya.

PNA