KLINARO ng Publicity at Marketing Head at isa sa may-ari ng BNY na si Ms. Denise Villanueva na hindi nila tinanggal si Joshua Garcia bilang endorser at hindi rin ito pinalitan ni Jimuel Pacquiao.

Jimuel

Ayon sa executive, “Jimuel is an additional to our BNY family, currently we have six plus Jimuel so seven na po lahat. The others were Joshua, Gab Lagman, Marcus Patterson, Ryle Santiago, Heaven Peralejo and Barbie Forteza.”

At dahil lumalaban na rin sa boksing si Jimuel at sinusundan ang yapak ng amang si Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao ay natanong si Ms Denise kung plano nilang suportahan ang lahat ng boxing match ng binatilyo.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

“We’re open to do that kasi we are going to support naman Jimuel in any way naman,” sabi ng PR and Marketing head ng jeans brand.

Nabanggit din na bago magtapos ang taon ay magkakaroon ng grand fashion show para sa mga latest designs na irarampa ng ambassadors ng nabanggit na brand ng jeans.

Ayon naman kay Mr. Mike Atienza na isa rin sa owners, namumukod tanging si Jimuel ang hindi artista sa hilera ng kanilang endorsers dahil sports naman ang kinakatawan nito at dahil bagets pa kaya siya ang napili.

Pawang sports outfit ang ipapasuot sa binatilyo tulad ng jacket, jogger at sport shirts na affordable ang halaga at uso ngayon para sa mga kabataang tulad ni Jimuel.

Dalawang taon ang pinirmahang kontrata nina Jimuel at mama niyang si Jinky Pacquiao na manager niya.

Biniro namin si Mr. Mike kung si Jimuel ang may pinakamataas na talent fee sa pitong endorsers nila dahil nga Pacquiao ang apelyido nito.

“Hindi naman po, confidential po ‘yun,” ngumiting sagot sa amin.

Hirit naman ni Ms. Sha Villanueva, “hindi po, very affordable at hindi siya above all sa ibang endorsers namin.”

Inamin naman ni Jimuel na isa sa dahilan kung bakit niya tinanggap ang offer ay dahil marami siyang lugar na mapupuntahan, “I will travel a lot for the promos.”

Samantala, ayon naman sa mama Jinky ng binatilyo, ayaw na ayaw niyang pumayag sa gustong karerang tahakin ng anak dahil natatakot siyang baka may mangyari sa anak, at ayaw niyang maranasan ang takot na nararamdaman tuwing may laban ang asawang si Senator Manny, sa laban naman ni Jimuel.

“Pero wala akong magawa, gusto niya (Jimuel), ayaw ko namang maging hadlang sa mga pangarap niya at magalit siya sa akin dahil diyan, so suportahan ko na lang siya sa lahat ng gusto niya at prayers parati. Ilang ulit siya na he’s begging talaga na gusto niyang maging boksingero talaga.

“Ang hirap talaga, gusto ko kasi si Manny lang, siya gustung-gusto niya talaga. Ganito ba talaga kung mayroon (boksingero) sa family, mayroong isa o dalawa na susunod sa mga yapak nila?,” ani Jinky.

Hindi lang kay Jimuel may takot si Jinky, “Ang fears ko sa mga anak ko is ‘yung mapariwara sila o mag-iba ang attitude nila, hindi na sila sumusunod sa aming dalawa ni Manny. So far, magagalang naman silang lahat, prayerful, God fearing, gusto kong maging humble sila sa buhay kahit ano pa ang marating nila.”

Aminado rin si Jinky mas mahigpit siya sa mga anak nila ni Manny dahil nga abala ang huli sa maraming bagay.

“Oo kasi busy siya sa senate at sa boxing kaya ako na lang ang nakatutok sa kanila,” saad ni Jinky.

Ayon naman sa 18 taong gulang na binatilyo, gustung-gusto raw talaga niyang maging boksingero, dahil siguro napapanood niya ang ama simula noong 12 years siya at gusto na rin niyang tumapak sa ring.

“Nag-promise naman po ako sa parents ko na I will take care of myself naman kaya po ang dad ko sabi niya seryosohin ko ang training ko parati kung talagang gusto kong maging boxer kasi it’s a dangerous sports daw po,” saad ni Jimuel.

Nakakadalawang laban na si Jimuel at parehong panalo pa.

As of now, wala sa plano ni Jimuel ang pumasok sa showbiz dahil mas gusto niya ang boxing pero hindi naman niya isinasarado ang pinto.

“Let’s see if I have time pa po, kasi sa ngayon wala talaga, my training, may school pa, so for now, it’s a no for showbiz,” sambit ng binatilyo.

-Reggee Bonoan