Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

4:30 n.h. -- Northport vs Magnolia

7:00 n.h. -- Ginebra vs TNT

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ikatlong sunod na panalo na magtatabla sa kanila sa Blackwater sa liderato ang pupuntiryahin ng TNT sa tampok na laro ngayong gabi ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.

Tatangkain ng Katropa na palawigin ang naitalang back to back wins sa pagsalang nilang muli sa tampok na laro ngayong 7:00 ng gabi kontra sa defending champion Barangay Ginebra Kings.

Mauuna rito, unang magtatangkang pumatas sa Elite sa pangingibabaw sa team standings ang Northport sa pagharap nito sa Magnolia sa pambungad na laban ganap na 4:30 ng hapon.

Kasalukuyang magkasalo sa ikalawang posisyon ang Katropa at Batang Pier hawak ang parehas na markang 4-1 kasunod ng Blackwater (5-1).

Huling tinalo ng TNT ang Philippine Cup titlist San Miguel noong nakaraang Sabado, 110-97 sa larong idinaos sa Ynares Sports Center sa Antipolo habang nakabalik naman sa winning track ang Batang Pier matapos ipalasap sa Beermen ang una nitong kabiguan noong Hunyo 5, 121-88 sa larong ginanap sa Big Dome.

Muli, inaasahang pamumunuan ng kanilang NBA veteran import na si Terrence Jones ang Katropa habang tatapatan naman sya ni reigning Best Import Justine Brownlee na tiyak na mangunguna sa pagbawing gagawin ng Ginebra.

Magtatangka namang bumawi sa nauna nilang kabiguan sa kamay ng Alaska noong nakaraang Miyerkules ang Hotshots.

Ngunit, wala pang balita kung maayos na ang lagay ng import nilang si John Fields na inamin ni coach Chito Victolero na may iniindang sprained ankle.

Kapag nagkataon, mahihirapan itong muli gaya ng nakaraang laro nila kontra Aces lalo’t malakas at masipag din ang makakatapat nyang import ng Batang Pier na si Prince Ibeh.

-Marivic Awitan