“ANG problema rito ay kanino kami magrereklamo? Sinasabi nila na pulis ang pumatay sa mga biktima, pero magrereklamo kami sa kanilang mga kapwa pulis. Kanino sila papanig? Sa kanilang kapwa pulis din. Parang nagrereklamo rin kay Duterte. Pero sino ang nag-utos sa mga pulis pumatay ng mga adik? Napakasakit nito. Sino ang nasa aming panig? Wala, hindi ba?,” wika ni Angel.
Si Angel ay ang nakasaksi ng mga pangyayari na naganap sa kanilang lugar sa Navotas at hiniling niya sa mga mamamahayag na huwag siyang pangalanan para sa kanyang kaligtasan.
Aniya, mula sa bintana, nakita niya si Jay R Jumola, Arnel “Arabo” Bagamasbad, at isang kilala sa tawag na “Gurang”, na sumuko sa mga pulis na nakasibilyan. Maraming beses na binaril ng mga pulis si Bagamasbad. Pinalo ng baril ng isa sa mga pulis si Jomula. Sinabihan siya ng isa sa mga pulis na tumakbo bago siya binaril sa batok.
“Kayong mga pulis ay kriminal. Sumuko na nga ang mga bata pero binaril pa ninyo,” sabi pa ni alyas Angel.
oOo
Nanawagan ang mga United Nations human expert para sa international investigation ng mga labag sa batas na pagpatay at pagpatay ng mga pulis kaugnay sa war on drugs sa bansa. Inakusahan ng mga independent expert si Pangulong Duterte ng isinasapublikong pananakot sa mga aktibista, Supreme Court judges, paghamak sa kababaihan, at paggamit ng karahasan sa mga umano ay drug pushers at iba pa.
“Nai-record namin ang maramihang pagpatay ng mga pulis kaugnay ng war on drugs at mga pagpatay din ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Ang gobyerno ay hindi nagpamalas ng pagkilos para imbestigahan ang mga kasong ito,” wika ng mga international expert sa kanilang pahayag na inisyu sa Geneva.
“Intellectually challenged at nakakamuhing pakikialam sa soberanya ng Pilipinas ang panawagan ng 11 special rapporteur nitong Biyernes para sa United National Human Rights Council na maglunsad ng hiwalay at malayang imbestigasyon. Ang aksyon ng 11 U.N. Special rapporteur na naglalako ng hindi parehas, hindi wasto at malisyosong pahayag ng mga pangyayari laban sa awtoridad ay hindi mapapatawad na panghihimasok sa ating soberanya,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Nakapagsalita na, aniya, ang mamamayang Pilipino at tinanggihan nila ang anti-narcotics campaign at human rights record laban sa administrasyong Duterte. Ang tinutukoy ni Panelo ay ang political opposition na hindi nagwagi kahit isang posisyon sa Senado nitong nakaraang halalan.
Hindi dapat maging gabay ang bunga ng halalan para pabulaanan ang mga reklamo ng maramihang pagpatay kaugnay ng kampanya ng administrasyon laban sa droga, at paglabag sa karapatang pantao gayundin ang pagpatay sa mga human rights defenders na nais na maimbestigahan ng mga UN rapporteur. Ang Pangulo nga mismo ay hindi nanalig sa mga makina ng Smartmatic na ginamit sa halalan.
Ang nangyari sa Navotas ay laging nangyayari sa iba’t ibang panig ng bansa. Patuloy ang pagpatay ng mga umano ay sangkot sa droga sa pagpapairal ng war on drugs.
Ilang human rights lawyers at advocates ang mga napaslang na. Hindi panghihimasok sa soberanya ng bansa ang imbestigasyon na ipinanawagan ng UN rapporteur dahil bahagi tayo ng mga kasunduan sa mga ibang bansa, na hinggil sa pangangalaga ng mga karapatang sibil at pulitikal ng bawat mamamayan.
-Ric Valmonte