ISANG Filipino-Palestinian model, na naghahangad na makilala ang kanyang ama, ang kinoronahang Miss Universe Philippines sa Binibining Pilipinas 2019 pageant, na idinaos sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, na nagsimula ng Linggo ng gabi at nagtapos madaling araw kahapon.
Naging emosyonal ang 23-anyos na crowd favourite na si Gazini Christiana Ganados, mula sa Talisay, Cebu City, habang kinokoronahan siya ni Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Beterana na sa mga pageants, tumanggap din si Gazini ng major special awards, ang Best in Long Gown, at Face of Bb. Pilipinas (Miss Photogenic) sa finals.
Sa huling question-and-answer portion, tinanong ng judge na si Bobby Barreiro si Gazini: “If you win the crown tonight, what can you do to get more women in the workplace?”
Sagot ni Gazini: “If I win the crown tonight, what I will do is to promote my advocacy. My advocacy is for us women to fight for our rights and for the elderly care and for us to be able to know that someone is loving and someone is pushing us to whatever ambitions that we have. We will be able to rise from our decisions to whatever dreams that we have, goals that we have, and we will achieve it because of those values, those wisdoms that they gave us. Thank you.”
Panalo rin sina Patricia Magtanong, Bb. Pilipinas International; Resham Saeed, Bb. Pilipinas Supranational; Samantha Lo, Bb. Pilipinas Grand International; Mary Emma Tiglao, Bb. Pilipinas Intercontinental; at Leren Mae Bautista, Bb. Pilipinas Globe.
First runner-up naman si Aya Abesamis at sa ikalawang sunod na taon ay 2nd runner-up uli si Samantha Bernardo.
Ang iba pang nagwagi ng special awards ay sina Vickie Marie Rushton, Manila Bulletin Readers' Choice, Miss Ever Bilena, Jag Denim Queen, Bb. Poten-Cee Gandang Palaban, Miss World Balance, at Miss Cream Silk; Mary Emma Tiglao, Miss Pizza Hut, at Pitoy Moreno Best In National Costume; Patricia Magtanong, Best in Swimsuit at Miss Megawide; Martina Turner Diaz, Miss Philippine Air Lines; Sherry Ann Tormes, Friendship (sa ikalawang sunod na taon); at Cassandra Chan, Talent.
NAIS MAKILALA ANG AMA
Sa likod ng napakagandang ngiti ni Gazini ay isang dalagang hindi nawawalan ng pag-asa na sa huli ay makikilala rin niya ang kanyang ama.
Sa katunayan, hindi alam ni Gazini kung buhay pa ang kanyang ama—at hindi rin niya alam ang pangalan nito, o kung ano ang hitsura nito.
“This is quite sentimental to me but I want to go to Palestine because I never met my father,” sinabi ni Gazini sa exclusive interview sa kanya ng Manila Bulletin.
Hindi sinasadyang nabanggit ni Gazini ang tungkol sa kanyang ama nang tanungin siya sa top 3 destinations sa ibang bansa na nais niyang marating. Ang dalawa pa ay ang Nazareth sa Israel at Paris, France.
“I don't know if he is still alive. I'm hoping for the best. He's a Palestinian. I just wanna go there and try to look for him,” sabi ni Gazini.
“I heard a lot of good stories about Palestines. They have good food. Who knows? I would bump into him.”
Nang tanunginn kung ano ang una niyang gagawin kapag nakaharap na niya sa wakas ang kanyang ama, sinabi ni Gazini: “I would give him a hug. I would thank him for the genes because without him, I wouldn't be here.
“I'd be joyful. That would be the happiest day of my life,” ani Gazini, na lumaki sa piling ng kanyang mga lolo at lola.
May taas na 5'8”, si Gazini ay isang tourism graduate mula sa University of San Jose-Recoletos sa Cebu City. Paborito niya ang sky blue, ang mga awiting Cebuano, at Walt Disney movies.
Sinabi ni Gazini na bilang bagong Miss Universe Philippines: “I will do my best and I will fulfill the things that I need to do and that I am working hard.”
KAYA MILAGROSA SI VICKIE
Si Vickie Marie Milagrosa Rushton, ng Negros Occidental, ang Manila Bulletin Readers' Choice ngayong taon, at tumanggap siya ng vacation at pampering package mula sa Manila Hotel na nagkakahalaga ng P150,000. Ang premyo ay iginawad sa kanya nina Manila Bulletin Public Relations Manager Badette Cunanan a Manila Bulletin External Affairs Head Mr. Barbie Atienza.
Si Vickie ay long-time girlfriend ng Kapuso actor na si Jason Abalos, isa sa mga bida ng teleseryeng Bihag.
Inilarawan ng 26-anyos na aktres ang kanyang sarili bilang isang miracle baby.
“That’s the reason why my name is Milagrosa.”
Kuwento ni Vickie, muntik na siyang hindi maisilang makaraang payuhan ng mga doktor sa Britain ang kanyang ina na ipa-abort siya dahil na-diagnose siyang may Down Syndrome kahit nasa sinapupunan pa lang siya.
Pero hindi tumalima ang mommy ni Vickie, na bumalik sa Pilipinas upang dito manganak.
Kuwento pa ni Vickie, ayon sa kanyang ina, wala siyang heartbeat sa loob ng ilang segundo matapos siyang isilang dahil siya ay seven months premature.
-ROBERT R. REQUINTINA