HUMINGI ng paumanhin si Awra Briguela sa BLACKPINK fans ilang araw matapos silang batikusan ng fans dahil sa umano’y pagkutya nila nina AC Bonifacio, at Riva Quenery sa isang miyembro ng girl group.

Awra BLACKPINK

Sa Instagram live ni AC, pinagtawanan umano ng tatlo at nagkomento kung gaano ka-“sick” ang BLACKPINK meet and greet event, “like Jennie”, na main rapper ng grupo.

Iniulat na hindi umano maganda ang pakiramdam ni Jennie sa event at nagkaroon pa ng panic attack. Pero siniguro rin naman niya sa fans later on na okay lang siya.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Sa isang mahabong post, humingi ng paumanhin si Awra sa BLACKPINK fans na tinatawag na ‘Blinks’ at ipinahayag din niya ang saloobin hinggil sa isyu.

Sinabi ng child star na hindi niya sinasadyang hindi respetuhin si Jennie dahil alam niya kung ano ang pakiramdam ng hindi nirerespeto.

“Aware po ako/kami na may sakit siya kaya bakit naman po kami magbibiro about sa sakit niya. Nu’ng time na ‘yun, nalito din ako sa pagkakaiba ng “sick” na may sakit at “sick” na parang astig. Tumawa kami dahil sa pag-i-English kong mali mali, hindi dahil sa sakit ni Jennie,” aniya.

Klinaro rin niya na hindi niya pinagtatawanan ang Blinks na hindi nakadalo sa event.

“Mahina ako sa english, karamihan ng tao alam ‘yan. Nu’ng binasa ko ‘yung comment sa live ni AC na, “What can you say about other blinks na hindi nakapunta?” Du’n palang natatawa na kami kasi may English ‘yung tanong hindi dahil may mga hindi nakapunta. Hindi ko intensyon na makasakit sa mga hindi nakapasok sa event,” aniya pa.

“Nu’ng binasa ko ‘yun, walang masagot si Ate Riva at AC kasi mainit pa ‘yung issue tungkol sa Shopee. Ako naman, basa lang ng basa hanggang sa ‘di ko namalayan, awkward na pala’ yung tanong na nabasa ko. Eh kailangang ang sagot ko English, and pinakamadaling English lang na alam ko ay “We love you guys.” Hindi ‘yun pang’-aasar, sadyang mahina lang talaga ako sa English at ‘yun na ‘yung pumasok sa isip ko,” sabi pa ni Awra.

Nasaktan umano ang dating Probinsyano star nang i-bash ng mga galit na Blinks, at sinabi niyang walang karapatan ang mga itong insultuhin ang buong pagkatao niya, maging ang hiling ng mga itong “kamatayan” niya, dahil lamang sa nagkamali siya.

“Alam kong nagkamali ako at alam kong tatanga tanga din ako, pero hindi sapat ‘yung pagkakamaling nagawa ko para sabihan ninyo ako ng masasama o pangarapin ninyo na sana nawala na lang ako sa mundong ito. Hindi sapat ‘yung pagkakamali ko para sabihan ninyo ako ng salot sa lipunan kasi kahit kailan wala akong ginawang ikakaapekto sa lipunan na ito,” sabi niya.

Inamin naman ni Awra na mali ang ginawa niya, partikular ang pagtawag sa Blinks na “sensitive” dahil sa naging reaksyon ng mga ito kaugnay ng naging komento niya kay Jennie, sa isa pang Instagram live ni AC.

“Pasensya na kung walang preno mga salita ko. Mali na minaliit ko ‘yung problema ninyo. Sana mapatawad ninyo ako at sana kalimutan na natin ang mga nangyari. Alam ko ang sakit na may galit sa puso kaya sana tanggalin na natin ‘yang galit na ‘yan. Uulitin ko, sorry sa inyong lahat,” pagtatapos ni Awra.

Si Riva ay humingi rin ng paumanhin sa lahat ng mga na-offend niya sa sariling YouTube channel.

Dumating ang BLACKPINK sa Manila nitong June 6 para sa meet and greet event na inorganisa ng isang online shopping platform.

-Noreen Jazul