Sampung armadong lalaki ang umano’y nanloob sa tanggapan ng Kapa-Community Ministry Foundation saka ito sinunog sa bayan ng Compostela sa Cebu.

Ayon sa ulat ng Compostela Municipal Police, Sabado ng umaga nang pasukin ng 10 armado ang opisina ng Kapa sa nasabing lugar.

Sinabi ni Corporal Roland Alu, ng Compostela Municipal Police, sa report na isinumite sa Cebu Police Provincial Office, na 21 empleyado ng foundation ang nasa opisinan nang mangyari ang nakawan at panununog sa nasabing establisimyento.

Ninakaw umano ng mga suspek ang salapi na nakuha sa vault ng Kapa, bagamat hindi pa matukoy ang halaga nito, habang isinusulat ang balitang ito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Tinangay din umano ng mga suspek ang cellphone, cash at laptop computer ng mga dinatnang empleyado.

At bagamat 400 metro lang ang layo ng opisina ng Kapa sa presinto ng Compostela, nagawang makatakas ng mga suspek.

Bago tumakas, sinunog muna ng mga suspek ang nasabing opisina.

Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng perang natangay at ng pinsala ng sunog sa nasabing tanggapan.

Nangyari ang insidente isang araw makaraang ipag-utos ni Pangulong Duterte sa National Bureau of Investigation na ipasara ang religious organization na Kapa-Community Ministry International na nakabase sa Surigao del Sur kapag natukoy sa imbestigasyon na sangkot nga ito sa investment scam.

Fer Taboy