Mahigit isang dosenang sundalo ang ginawaran ng medalya ni Pangulong Duterte sa kanilang pakikipagbakbakan sa mga badido, sa pagbisita nito sa Sulu, nitong Martes.
Ipinagkaloob ng Pangulo ang Order of Lapu-Lapu with the rank of Kampilan sa 11 sundalo nang bisitahin niya ang mga ito sa military hospital sa Jolo, Sulu nitong Martes. Ang mga sundalo ay kabilang sa mga sugatan sa pakikipagbakbakan sa mga Abu Sayyaf group noong nakaraang buwan.
Pitong iba pang sundalo ang pinagkalooban ng Gold Cross Medal sa kanilang katapangan sa iba pang military operations.
Kabilang sa mga tumanggap ng Order of Lapu-Lapu ay sina Cpl. Arsenio Opaco Jr., Cpl. Sonny Jumoc, Pfc. Edwin Yurong, Pfc. Edeson Alom, Pfc. Abduhasad Baladji, Pcf. Joevertt Ramirez, Pvt. Dominic Osorio, Pvt. Jeric Peñaredondo, Pvt. Raymund Balambao, Pvt. Ramil Diaz Jr., at Pvt. Albert Daligdig, ayon sa Palasyo.
Ang dalawang iba pang sugatan sa engkuwentro, sina Pfc. Haliboy Calapiz at Pfc. Dieth Sarabe, ay dinala sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City para lunasan.
-Genalyn D. Kabiling at Beth Camia