UMISKOR ng mahalagang panalo si four-time world title challenger Richie Mepranum laban kay Sen Chen ng China para matamo ang bakanteng IBF Pan Pacific super featherweight title noong nakaraang Hunyo 1 sa Wynn Palace Cotai sa Macao.

Mas maganda ang mga patamang suntok ni Mepranum kay Chen kaya siya ang nagwagi sa mga hurado sa mga iskor na 97-93 at 96-94 samantalang isang judge ang may kartang 95-95 para upang magwagi ang Pinoy boxer sa 10-round majority decision.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ni Mepranum makaraang ang tatlong sunod na pagkatalo sa knockouts kina dating WBC super flyweight champion Carlos Cuadras at ex-WBC bantamweight titlist Luis Nery, kapwa ng Mexico, at WBC No. 9 super flyweight Arthur Vilanueva.

Napaganda ni Mepranum ang kanyang kartada sa 33-7-1 na may 9 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang rekord ni Chen sa 11 panalo, 2 talo na may 2 pagwawagi sa knockouts.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa co-feature ng Mepranum-Chen bout, natalo naman si Filipino Adam Diu Abdulhamid kay Steve Gago ng Australia sa 10-round unanimous decision para sa bakanteng IBF Pan Pacific welterweight title.

-Gilbert Espeña