Hinihinalang sariling kamag-anak ang pumatay sa isang walong taong gulang na lalaki, na matapos maltratuhin ay iniwan lang sa gilid ng kalsada sa Barangay Riverside sa Isabela, Negros Occidental.
Ayon kay Capt. Roger Pama, hepe ng Isabela Municipal Police, nakarating sa kanila ang report tungkol sa insidente isang araw makaraang matagpuan ng isang residente ang bangkay ng bata malapit sa kalsada nitong Linggo.
Kinilala naman ang suspek na si Pablo Talanas, 56, tindero ng isda, at pinsan ng ama ng paslit na hindi pinangalanan.
Sinabi ni Capt. Pama na nagpunta ang bata sa bahay ni Talanas para makipagkuwentuhan habang nasa kalagitnaan ng inuman ang suspek, kaya nagalit ang huli.
Batay sa police report, sinakal umano ni Talanas ang paslit, na nang mag-ingay ay pinasakan niya ng tela sa bibig at dalawang beses umanong iniuntog sa pader ang ulo.
Pinasukan din umano ng suspek ng kahoy ang puwet ng bata, saka ito iniwan malapit sa kalsada.
Ayon kay Capt. Pama, madalas na bumisita sa mga kapitbahay, kabilang si Talanas, ang bata dahil ulila na ito.
Nabatid na inimbitahan sa pulisya si Talanas makaraang may magturo rito bilang person of interest, hanggang sa tuluyan umanong aminin ng suspek ang pagpatay, ayon kay Capt. Pama.
Sa kabila ng pag-amin, hindi umano inaresto ng mga pulis si Talanas dahil napaso na ang takdang oras sa pagdakip sa suspek nang walang arrest warrant.
Sinabi ni Capt. Pama na hihintayin ng pulisya ang resulta ng post mortem examination sa bata saka sila maghahain ng kasong murder, na may kinalaman sa Anti-Child Abuse Law (RA 7610) laban sa suspek.
Sa panayam naman ng media, humingi ng kapatawaran si Talanas sa kanyang nagawa, at sinabing pinagsisisihan niya ang nangyari, na dulot lang umano nang kanyang kalasingan.
-Glazyl Masculino