CUTE para sa amin ang pelikulang Finding You nina Jerome Ponce, Barbie Imperial, at Jane Oneiza, kasama sina Jon Lucas, Paeng Sudayan, Kate Alejandrino, at Claire Ruiz, sa direksiyon ni Easy Ferrer, produced ng Regal Entertainment, at palabas na ngayong Miyerkules.

Jane at Jerome

‘Yung kuwentong may best friend ka simula pagkabata, na present sa lahat ng ganap sa buhay mo at laging nakaalalay hanggang sa paglaki n’yo. Inakala mo na ang pagmamahal na nararamdaman mo para sa kanya ay para sa kaibigan lang, pero sa huli ay mare-realize mo na siya pala talaga ang gusto mong makasama sa habambuhay.

Ito ang kuwento ni Jerome, na may hyperthymesia, o iyong natatandaan ang lahat ng nangyari sa buhay niya simula pagkabata. Kababata niya si Jane, at lagi silang nag-aasaran. Alam lahat ng dalaga ang kuwentong pag-ibig ng binata, kaya kapag naha-heartbreak ang huli ay inaalalayan niya.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Hanggang sa gusto nang magseryoso ni Jerome, at tinulungan siya ni Jane na isa-isang hanapin ang ex-girlfriends ng kababata, na kapag okay na ay bigla namang naghihiwalay dahil hindi sila magkasundo.

May throwback apps at doon dumepende si Jerome, dahil hindi niya matandaan kung sino ang nagpapadala ng mensahe sa kanya na may kinalaman sa lahat ng nangyari sa buhay niya.

Iyon pala sinadyang ipabura kay Jerome sa memorya niya sa bagay na iyon dahil ang babaeng gusto pala niya ay ang kababata niyang si Jane, na nu’ng malaman niyang ikakasal na ay pinagtangkaan niya ang sarili at isang buwan siyang comatose.

Nang maalala na lahat ito ni Jerome, humingi siya ng chance kay Jane na sila na lang, pero hindi puwede dahil ikakasal na ang dalaga, at kaibigan lang ang pagmamahal na iniuukol niya sa binata.Hirap man pero kailangang mag-move on ni Jerome, at kailangan niyang kalimutan ang lahat ng magpapaalaala kay Jane, kaya umalis siya sa trabaho niya bilang junior reporter sa The Manila Bulletin.

Sa huli ay nakilala na ni Jerome ang kanyang forever, na nakakatawa dahil follower pala niya sa social media at gustung-gusto siyang makilala, kaya galak na galak ang girl nang i-post ng binata ang litrato ng dalaga at doon na sila nagkakilala.

Ang nasabing girl ay si Sue Ramirez, at bagay pala silang love team ni Jerome. Hmmm, puwede namang bigyan ng follow-up project sa dalawa.

Anyway, klaro ang mensahe ng pelikula, malinis at gusto namin ang mga kuha ni Direk Easy, na magaganda at makabago. At ang daming locations huh?!

Sa mga millennials, posibleng kuwento ninyo ito, kaya panoorin n’yo na ngayong Miyerkules, at baka maka-relate kayo sa mga karakter nina Jerome, Jane, Jon, Claire, Paeng at Kate. O baka naman kayo si Sue?

-Reggee Bonoan