Nag-iba ng mga pahayag si Peter Joemel Advincula, ang hooded man sa likod ng viral na 'Ang Totoong Narcolist' video series na nagpakilalang "Bikoy".

BUMALIGTAD Humarap sa press conference si Peter Advincula, alyas “Bikoy”, sa PNP National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City, ngayong Huwebes, matapos siyang sumuko sa mga awtoridad ay amining peke at “scripted” ang kanyang mga “Ang Totoong Narco-list” videos, na pakana umano ng oposisyon. Nasa likod niya sina PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde at NCRPO Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar. (MARK BALMORES)

BUMALIGTAD Humarap sa press conference si Peter Advincula, alyas “Bikoy”, sa PNP National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City, ngayong Huwebes, matapos siyang sumuko sa mga awtoridad ay amining peke at “scripted” ang kanyang mga “Ang Totoong Narco-list” videos, na pakana umano ng oposisyon. Nasa likod niya sina PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde at NCRPO Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar. (MARK BALMORES)

Matapos na isangkot ang pamilya ni Pangulong Duterte at ilang pulitiko na kinabibilangan ni Senator-elect Christopher "Bong" Go sa umano’y multi-million illegal drugs payoff, sinabi ngayong Huwebes ni Advincula na lahat ng kanyang sinabi ay kasinungalingan at tinukoy sa si Senador Trillanes at ang Liberal Party (LP) sa likod ng kanyang mga paratang.

Kinalaban ni Advincula si Trillanes, LP at iba pang handlers sa isang press briefing sa Camp Crame sa Quezon City, na hiningan niya ng tulong nitong Huwebes ng umaga matapos umanong tumakas sa dati niyang mga handlers.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

"My conscience can no longer bear it. This week, I have an interview with an international media. I don’t want to lie anymore," sagot ni Advincula nang tanungin kung bakit niya binabawi ang una niyang mga pahayag.

"I am scared of my safety. I was informed that I would be brought to a secluded place and since my service for them is already done, they might kill me and blame the President," sabi ni Advincula.

"Kawawa naman ang Pangulo, kahit hindi siya ang may kagagawan ay baka siya ang mapagbintangan," diiin niya.

Sumuko si Advincula sa Northern Police District sa ilalim ng direktor nito na si Brig. Gen. Rolando Anduyan. Dinala siya sa Camp Crame kung saan siya pinayagan na magsagawa ng press conference.

Aniya, ang huling ugnayan niya sa chief security officer ni Trillanes, isang Jonel, ay nitong Miyerkules nang pilitin niyang makipagkita sa senador.

Ngunit tinanggihan umano ang kanyang kahilingan kaya humingi na siya ng tulong sa Philippine National Police (PNP).

PROJECT SODOMA

Sa ikalimang bahagi ng "Ang Totoong Narcolist" video, iniugnay ni Bikoy ang anak ni Pangulong Duterte na si Paolo, mister ni Davao City Mayor Sara Duterte na si Mans Carpio, anak ni Duterte at Honeylett Avancena na si Kitty Duterte, Go at iba pang pulitiko sa Bicol sa illegal drugs trade.

Kalaunan, lumutang si Advincula at sinabing siya ang nasa video na si Bikoy, sinabing ginawa niya ang videos upang ilabas ang katotohanan at para matahimik ang sarili.

Ayon kay Advincula, ito ay nagsimula nang makilala niya si Trillanes sa pamamagitan ng isang pari, si Father Joebert Alejo. Si Advincula ay dating seminarian, na nakulong sa estafa.

Noong oras na iyon, sinabi niya na alam ng kampo ni Trillanes na siya ay minsan nang ikinonsidera sa pagpapatalsik kay Sen. Leila de Lima sa kaso ng ilegal na droga.

“They changed the story and made it appear that it is the current administration which is involved in illegal drugs. They made a good script and this was supported by documents allegedly from the banks,” ayon kay Advincula.

“I met Senator Trillanes several times to realize Project Sodoma. Project Sodoma is a project aimed at bringing down President Duterte,” wika ni Advincula.

Ang intensiyon ni Trillanes, ayon kay Advincula, maiupo si Vice President Leni Robredo bilang pangulo bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2019.

Sa oras na maging pangulo si Robredo, sinabi ni Advincula na nais ni Trillanes na maging vice president.

“Everything I said in the videos were all lies. Everything was scripted,” sambit ni Advincula.

MEETINGS

Sinabi ni Advincula na marami siyang nakilalang mga oposisyon, na kinabibilangan nina Sen. De Lima, Senator Risa Hontiveros , Otso Diretso candidates maliban kay Mar Roxas, at Robredo.

Sa mga pagpupulong, sinabi ni Advincula na pinangakuan siya ng pera at posisyon sa gobyerno kapag nagtagumpay ang plano at si Robredo ang naging pangulo.

“They also promised me of absolute pardon,” ani Advincula.

BREAKDOWN

Ngunit sinabi ni Advincula na nagsimulang masira ang plano nang hindi mangyari ang inaasahang protesta ng mamamayan.

Ito ay mas nasira, aniya, nang walang nakapasok na oposisyon sa Magic 12 nitong nakaraang eleksiyon.

"These past few days after the elections when no Otoso Diretso candidates made it, Senator Trillanes began to lay low. It was only his chief security officer who was talking to me," ayon kay Advincula.

Sinabi rin ni Advincula na hiniling niya sa kampo ni Trillanes na magpiyansa sa mga kasong kinakaharap niya. Ngunit sinabi umano ni Trillanes na wala itong saysay dahil tutugisin siya ng awtoridad.

Dito na niya naisipang sumuko sa awtoridad.

Si Advincula ay nahaharap sa large-scale illegal recruitment at estafa. Una nang nag-isyu ang Baguio City court ng arrest warrant laban sa kanya.

CREDIBILITY

Dahil kuwestiyonable ang integridad ni Advincula, sinabi ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na nasa una na kung patutunayan nitong hindi siya nagsisinungaling sa pagkakataong ito.

Sinabi ni Albayalde na iimbestigahan nila ang mga paratang ni Advincula kay Trillanes at sa iba pang oposisyon.

"That is his statement not ours, let him prove his statement, that is part of his statement not ours," ani Albayalde.

"That is his truth according to him not according to me. His statement did not come from us, I am not saying that all that he said here is a gospel truth," diin niya.

-Aaron Recuenco, Fer Taboy, at Jun Fabon