Nanindigan ang Light Rail Transit Authority na “generally safe” pa rin ang LRT Line 2 sa kabila ng banggaan ng dalawang tren nito noong Sabado ng gabi, na ikinasugat ng 34 na katao.

LRT

Ayon kay LRTA Spokesperson Atty. Hernando Cabrera, isolated incident ang nangyari, na unang pagkakataon din na dumanas ng aksidente ang LRT-2 sa nakalipas na 15-taong operasyon nito.

“Isolated incident po ito. Generally, ‘yung ating mga train are safe, ‘yung ating system safe din po siya,” ani Cabrera.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aniya, bago ang aksidente ay dumanas muna ng problema sa power supply ang isa sa mga tren kaya kinailangan itong ilipat sa emergency parking area sa pagitan ng Anonas at Katipunan Stations sa Quezon City.

Matapos, aniya, ang ilang oras ay bigla na lang umandar ang naturang “dead train” patungo sa eastbound track ng riles, hanggang sa bumangga sa bumibiyaheng tren.

IMBESTIGASYON, SINIMULAN NA

Kinumpirma rin ni Cabrera na sinimulan na ngayong Lunes ng binuong fact-finding committee ang imbestigasyon sa insidente.

Kabilang, aniya, sa aalamin ay kung paanong nag-disengage ang preno ng dead train, at tutukuyin din, aniya, ang bilis ng tren nang mangyari ang banggaan, gayundin ang “incline” o pagkakahilig ng riles sa lugar.

Inaasahan, aniya, nilang magtatagal ang imbestigasyon hanggang bukas, Martes, at sa Miyerkules ay makapaglalabas na ang komite ng ulat hinggil sa pangyayari.

“'Yung fact-finding committee mag-start ngayon (Lunes) 'yan and we expect na hanggang bukas (Martes) matapos 'yung kanilang imbestigasyon,” sinabi ni Cabrera nang kapanayamin sa telebisyon.

“By Wednesday meron na silang report. 'Yun ang target namin. In fact, bine-base namin 'yon sa mga nakaraan naming experience. Usually binibigyan kami ng 48 hours na gawin 'yung imbestigasyon at gawin ang report,” dagdag ni Cabrera.

Inulit din ni Cabrera ang sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na hindi ipagwawalang-bahala ng LRTA ang insidente.

“This involves iyung safety ng ating mga pasahero,” ani Cabrera. “Kailangan dapat maimbestigahan ito, malaman ang katotohanan kung ano talagang nangyari doon sa tren na gumulong on its own.”

LIMA NAKA-CONFINE PA

Nabatid na hanggang ngayong Lunes ay naka-confine pa rin sa ospital ang lima sa 34 na nasaktan sa aksidente.

Sinabi ni Cabrera na kabilang sa mga nananatili pa sa pagamutan ang isang Grade 8 student, na nag-crack ang panga at kinakailangang operahan; isang dumaranas ng muscle spasm; isang may traumatic anxiety; isang na-dislocate ang balikat; at isang teller ng LRTA na nabalian ng braso.

Ang 29 na iba pang nasaktan ay kaagad ding pinauwi dahil pawang minor injuries lang ang kanilang tinamo.

OPERASYON NG LRT-2, NORMAL NA

Sa ngayon, sinabi ni Cabrera na normal naman na ang operasyon ng LRT-2.

Gayunman, dahil sa aksidente ay pito lang ang tren nitong bumibiyahe, kaya natatagalan sa pagsasakay ng pasahero.

Nabatid na ang LRT-2 ay may 10 tren, kabilang ang dalawang nasangkot sa aksidente at nasira, habang ang isa ay sumasailalim sa preventive maintenance.

-Mary Ann Santiago