Pinalaya na kahapon ng Quezon City Prosecutor's Office (QCPO) si Quezon City mayoralty candidate Bingbong Crisologo na inaresto nitong Linggo ng gabi, sa akusasyon ng vote-buying.

LAYA NA! Si Congressman Bingbong Crisologo habang iniimbestigahan sa Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal sa Quezon City, kahapon. (KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

LAYA NA! Si Congressman Bingbong Crisologo habang iniimbestigahan sa Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal sa Quezon City, kahapon. (KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

Ayon kay Assistant City Prosecutor Felomena Apostol-Lopez, nabigo ang pulisya na mabigyan ng sapat rason ang pag-aresto ng mga ito kay Crisologo, dahil hindi umano ito nahuli sa aktong bumibili ng boto.

Dakong 2:00 ng hapon nang isapubliko ni Lopez ang nasabing resolusyon, limang oras matapos isailalim sa inquest proceedings si Crisologo sa Quezon City Hall of Justice.

Internasyonal

ALAMIN: Saan puwedeng humingi ng tulong ang OFWs sa Iran, Israel?

Gayunman, sinampahan na ng kaso ng pulisya ang 43 volunteers ni Crisologo dahil sa vote-buying issue.

Kahapon, nilinaw ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na hindi maaapektuhan ang kandidatura ni Crisologo sa nangyari.

Tiniyak din ni Comelec Spokesperson James Jimenez na iimbestigahan nila ang insidente, na kinasangkutan ni Crisologo at ng kanyang anak na si Atty. Edrix Crisologo.

“Hindi naman ‘yan maapektuhan ‘yung kanyang kandidatura in the short term,” ayon kay Jimenez, sa panayam ng mga mamamahayag.

“Ang pag-aresto sa kanya ay bahagi ng operation against the vote-buying that was witnessed there.”

Nag-ugat ang kaso nang pasukin ng mga Intel operatives ng QCPD-Talipapa Police Station 3 (PS-3), sa pamumuno ni P/CMS Luisito Maninang ang isang bahay sa Barangay Bahay Toro, matapos na makatanggap ng tip na may nagaganap na vote buying activity sa lugar, dakong 7:30 ng gabi.

Naaresto ng mga pulis sa naturang insidente si Renato Echas, 80, na nakumpiskahan ng P800 at volunteer card na may larawan ni Crisologo, gayundin ang may 43 iba pang katao.

Habang inaaresto ang mga suspek ay dumating umano ang mag-amang Crisologo, na galit na galit at pinipigilang arestuhin ang kanilang mga tagasuporta.

Kinukuwestiyon rin umano ng mag-ama ang presensiya ng mga pulis sa lugar.

Ayon sa pulisya, hinablot umano ni Crisologo at ng may-ari ng bahay na si Arturo delos Reyes, ang team leader na si Maninang, papasok sa compound, kaya nasugatan ito.

Hindi rin umano pinayagan ng mga ito na mailabas ng compound ang mga inaarestong indibidwal, kaya’t dito na napilitan ang hepe ng QCPD-PS3 na si Lt. Col. Alex Alberto na rumesponde at pinosasan at inaresto na rin maging ang mag-amang Crisologo.

Itinanggi na ni Crisologo ang alegasyon at sinabing pawang poll watchers niya ang mga inaresto.

-Alexandria San Juan, Mary Ann Santiago, at Jun Fabon