Laro ngayon (Araneta Coliseum)
6:30 n.g. -- Magnolia vs San Miguel
Ni marivic awitan
TATAPUSIN na ba ng Magnolia ang serye o makahirit pa ng Game 7 ang San Miguel?
Ito ang katanungan na mas may malinaw na kasagutan, kaysa sa naganap na pag-uurot ng isang tagahanga na nagsuot ng ‘Spiderman’ sa game 5 ng serye nitong Biyernes.
Nakatakda ang laro ganap na 6:30 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Tangan ng Magnolia ang 3-2 bentahe sa best-of-seven championship match ng 2019 PBA Philippine Cu.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Hotshots upang maangkin ang korona matapos makamit ang panalo sa Game 5, 88-86.
Nalagay sa alanganin ang tsansa ng Beermen para sa inaasam na historic 5th straight Philippine Cup title dahil sa naturang kabiguan.
Gayunman, hindi pa sila bumibitaw sa nalalabi nilang pag-asa na isagad ang serye sa winner-take-all Game 7.
“All in all, sayang yung laro. Siguro talagang para sa kanila. Sabi ko nga, yung mga ganung situation na may chance kami manalo, makalamang, ilang possessions yun di kami naka-shoot. Sa kanila din nabagsak yung last kay Mark Barroca. Ang maganda nito, meron pa kaming chance. Hindi namin basta ibibigay to, Game Six tingnan natin ulit,” pahayag ni Arwind Santos.
Sa kabilang dako, tiwala sa isa't-isa at sa paniniwala sa kanilang kakayahang manalo ang kakapitan ng Magnolia.
"Underdog kami lagi. Underdog talaga kami — quarterfinals, semifinals. Kami lang talaga sa grupo namin naniniwala kami, basta naniniwala kami maraming nangyayari,” pahayag ng Game 5 hero na si Marc Barroca.
“Kaya nga battlecry namin, believe eh.”