INAASAHANG nasa kabuuang 19,187 residente ng Passi, Iloilo ang makikinabang sa bagong bukas na Imbang Grande-Tagubong-Gemumua Agahon-Agtabo farm-to-market road, ang pinakamalaking Philippine Rural Development Project (PRDP)-funded road project sa Visayas.

Kamakailan, pinangunahan ni Iloilo Governor Arthur Defensor Sr. ang pagbubukas ng 28-kilometrong proyektong daan, na sumasakop sa 12,635 ektaryang kalsada sa lugar.

Ayon sa gobernador, makatutulong ang proyekto sa 4, 080 kabahayan mula sa mga barangay ng Imbang Grande, Talongonan, Jaguimitan, Salngan, Alimono, Magdungao, Tagubong, Agtabo, Dalicanan, at Gemumua Agahon.

Ibinahagi rin niya ang karanasan na hindi niya naabot ang isang komunidad dahil sa mahirap na daan doon.

“We were not able to reach the village because of the worst situation of the road,” pagbabahagi ni Defensor.

Dahil sa karanasan, ito umano ang naging prayoridad niya ng matanggap ng probinsiya ang PRDP project.

Nag-ambag umano ang probinsiya ng P32 milyon para sa P272 milyon kabuuang gastos ng proyekto. Habang ang malaking bahagi ng pondo ay nagmula sa World Bank loan na P206 milyon.

Nasa P25 milyon umano ang ibinigay ng probinsiyal na pamahalaan habang ang lokal na pamahalaan ng Passi City ay nagbigay ng P8 milyon.

Samantala, sinabi naman ni Passi City Vice Mayor Bonifacio Barbero, na marami ang natuwa at pumuri sa proyektong kalsada lalo na sa mga residente.

“When the road was not yet rehabilitated, residents had to wake up at 2 to 3 in the morning to catch the only jeepney that travels to the city,” aniya.

Dahil sa pinagandang daan, mas mapapabilis aniya, nito ang biyahe ng mga residente mula dalawang oras patungong 30 minuto, na malaking tulong lalo na sa mga emergency.

Makatutulong umano, ayon kay Defensor, ang Imbang-Gemumua Agahon sa mga residente sa pagdadala ng mga agricultural na produkto sa mga bayan.

Ang tanging pagsubok na haharapin na lamang, aniya ng mga lungsod ay ang pagpapanatili ng Imbang-Gumumua Agahon road. Na magpapatupad umano ng mga ordinansa sa daan.

PNA