SENTRO ng talakayan ang kaganapan at mga bagong programa sa mixed martial arts, swimming at sa grupo na nagtutulak ng reporma sa Philippine Olympic Committee (POC) sa gaganaping ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) bukas sa National Press Club (NPC) sa Intramuros, Manila.
Matapos ang matagumpay na Cage Gladiators: Fight Night III sa Skydome sa SM North, Quezon City, inaasahang ipahahayag ng MMA promoters na sina Burn Soriano at Laurence Canavan ang mga nakalinyang torneo para sa mga local fighters, na inaasahang mapapalawig sa pagkasa ng mga bagong sponsors ng sports.
Pinagisa nina Soriano at Canavan ang konsepto ng Hitman MMA at Cage Gladiators upang higit na mapalakas ang sports sa bansa at matulungan ang mga Pinoy fighters na mabigyan ng tamang venue sa kanilang hangarin na marating ang mas mataas na level ng kompetisyon.
Kabuuang 17 elite swimmers mula sa Swimming Pinas ang magbibigay din ng kanilang mga pananaw at opinyon hingil sa mga kaganapan sa swimming, partikular sa matagumpay na kampanya sa Palarong Pambansa kamakailan sa Davao City at ang posibleng partisipasyon sa National tryouts para sa Philippine Team na isasabak sa 30th Southeast Asian Games sa Manila.
Sa pangunguna nina junior national record holder Micaela Jasmine Mojdeh at bemedalled international age-group campaigner Marc Dula, ang Swimming Pinas ang pinakabagong swimming group sa Philippine Swimming Inc. (PSI). Karamihan sa mga miyembro nito ay mga elite swimmers ng Philippine Swimming League (PSL).
Makakasama nila sina coach Virgie De Luna at managerJoan Mojdeh sa lingguhang sports forum ganap na 10:00 ng umaga at suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association (CBA) at HG Guyabano Tea Leaf Drinks at mapapanood sa Facebook live sa pamamagitan ng Glitter Livestream .
Huhubaran naman ng maskara ng Coalition for Good Governance in Philippine Sports, sa pangunguna ni Lt. Gen. Charly Holganza, ang anila’y kawalang hustisya ng POC sa hinaing at hiling na pagbabago ng mga sports association, higit sa Philippine Bowling Federation na “unjustly disenfranchised mula 2011 hanggang 2016.
Hiniling ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight sa mga miyembro at opisyal na makiisa sa linguhang session.