NANANAWAGAN ang gitaristang si Brian May ng bandang Queen ng isa pang Live Aid na layuning talakayin ang climate change.
Naging bahagi ang gitarista sa orihinal na concert ng Queen, at ito ang isa sa pinakatanyag nilang pagtatanghal.
Ang orihinal na Live Aid ay ginawa para makalikom ng pondo para sa mga biktima ng trahedya sa Ethiopia, at aniya, ang bagong concert ay layunin namang tumulong para isalba ang planeta.
“It probably would take the younger generation to take that bull by the horns,” pahayag niya sa Daily Mirror. “We’d help in any way we can, but I think that’s what it would acquire.”
Aniya pa, napakalaki na ng isyu na kahit ang show na kasing laki ng 1985 Live Aid ay hindi magiging sapat.
Ang Live Aid gig ng Queen ang pangunahing bahagi ng biopic tungkol sa banda, sa pelikulang Bohemian Rhapsody. Malaking karangalan ang naiuwi ng pelikula sa ginanap na Academy Awards ceremony ngayong taon.
Nagwagi si Rami Malek ng Best Actor in a Leading Role para sa kanyang pagganap sa lead singer nitong si Freddie Mercury. Nasungkit din ng Bohemian Rhapsody ang Sound Editing, Sound Mixing at Film Editing awards.
Gayunman, nabigo itong maiuwi ang Best Picture award.
Ayon sa Box Office Mojo, tumabo ang Bohemian Rhapsody ng mahigit $875 million sa box office, dahilan para taguriang pinakamatagumpay na music biopic sa kasaysayan.